INTERESADO ang United States na magtayo ng lima pang karagdagang joint military facilities sa Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Kinumpirma ito nina Armed Forces of the Philippines (AFP) chief-of-staff Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro at Department of National Defense Officer in Charge Senior Undersecretary Jose Faustino Jr.
Kabilang sa posibleng pagtayuan ang Cagayan, isa sa Palawan, isa sa Zambales at isa sa Isabela subalit nilinaw ni Gen. Bacarro na nasa plano pa lamang ito at subject pa rin sa approval ng Department of National Defense (DND) at Department of Foreign Affairs (DFA).
Nilagdaan ang EDCA noong 2014 na nagpapahintulot sa tropa ng Amerika na magkaroon ng access sa mga designated Philippine military facilities, karapatan na magtayo ng mga pasilidad at mag-preposition ng equipment, aircraft at vessels subalit hindi kasama ang pagkakaroon ng permanenteng military base sa bansa.
Sa ilalim din ng EDCA, nakikipag-ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas sa Amerika para sa pagpapatayo ng mga pasilidad sa hinaharap sa may Cesar Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga; Fort Magsaysay Military Reservation sa Nueva Ecija; Lumbia Airfield sa Cagayan De Oro; Antonio Bautista Air Base sa Puerto Princesa, Palawan; at Benito Ebuen Air Base sa Cebu.
Paglilinaw naman ni DND officer-in-charge Undersecretary Jose Faustino Jr. ang EDCA sites na ito ay training facilities at warehouses lamang.
Ayon kay Bacarro, posibleng simulan ang construction ng mga nabanggit na EDCA facilities sa susunod na taon.
Ang pagtatayo ng additional EDCA sites ay natalakay sa ginanap na Mutual Defense Board – Security Engagement Board (MDB-SEB) meeting, na dinaluhan nina Faustino at US Defense Secretary Lloyd Austin III sa Hawaii, dalawang buwan na ang nakalipas. (JESSE KABEL RUIZ)
