ISINUSULONG ni Senador Lito Lapid ang panukala para sa pagbuo ng “Electronics Donation and
Recycling Program” sa buong bansa upang mapakinabangan ng mga estudyante at guro ang mga used
gadgets ng mga taong mahilig magpalit ng unit.
Inihain ng senador ang Senate Bill 1846 na nagmamandato sa mga manufacturer at retailers ng
electronic gadgets na maglagay ng donation at recycling booths sa kanilang outlets at service centers.
Binigyang-diin ni Lapid na dahil sa palagiang paglulunsad ng mga bagong modelo ng mobile phones,
laptops, tablets at iba pang electronic gadgets, marami sa mga may kapasidad ang regular ding
nagpapalit ng kanilang mga gamit na nagreresulta sa electronic waste problem.
Sa pag-aaral ng University of the Philippines, sinasabing pagsapit ng 2021, aabot sa 24.9 million ang
idi-dispose na gadgets makaraang mayorya sa mga respondent ang nagsabing nagpapalit sila ng
gadgets kada taon o kada dalawang taon.
“Hindi natin masisisi ang ating mga kababayan kung gugustuhin nilang palitan ng bago ang kanilang
mga gadget kahit hindi pa ito sira, lalo kung may pambili naman sila. Pero kung tutuusin ang mga
lumang gadget gaya ng mobile phones at laptop, hindi naman kailangan itapon,” saad ni Lapid.
“Pwede pa itong ipamigay dahil marami pa ang pwedeng makinabang dito lalo sa panahong ito.
Maraming mga estudyante at guro ang walang magamit na cellphone o computer habang nasa online
classes tayo dahil sa pandemya,” giit pa nito.
Alinsunod sa panukala, ang mga gadget na maaari pang magamit ay ido-donate sa DepEd para sa
pamamahagi sa mga estudyante at guro habang ang mga dapat i-recycle ay ibibigay sa Department of
Environment and Natural Resources (DENR). (DANG SAMSON-GARCIA)
167
