MULING inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang local government units (LGUs) at Philippine National Police (PNP) na muling kumilos laban sa pagsirit ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) sa ilang rehiyon, lalo na sa National Capital Region (NCR).
Sa biglaang direktibang inilabas ng DILG, inatasan ng kagawaran na ipatupad ang “crackdown on quarantine violators and intensify the enforcement of minimum health standards in all barangays as new COVID-19 cases has reached more than 3,000 cases a day for three days now”.
Ang naturang direktiba ay makaraang aminin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na kaunti na lang ay punuan na ang mga quarantine facility sa NCR.
Karugtong din ito sa panawagan ng Department of Health (DOH) na ipatupad nang tama at maayos ang mga alituntunin ng pamahalaan laban sa COVID-19, tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at isang metrong layo ng mga tao sa bawat isa kung sila ay nasa mga pampublikong lugar.
Partikular sa PNP, inatasan ni DILG Officer-in-Charge Bernardo Florece, Jr. ang hepe ng Joint Task Force Shield (JTFS) na si Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag “to increase police deployment and strictly enforce minimum public health standards in Pasay, Malabon, Navotas, Cebu City and Cebu Province [due to] spike in [COVID-19] cases in the recent days”.
“Naging kampante ang … LGUs [at] … ang PNP sa enforcement ng ating mga minimum health standard, kaya inaatasan ko ang … local officials, kasama ang mga barangay at kapulisan na puspusang ipatupad ang basic health protocols sa lahat ng barangay sa ating bansa,” banat ni Florece.
Sabi niya, dapat ngayong Marso ay “kabisado” na ng mamamayan ang anti-COVID-19 protocols dahil “isang taong naka-lockdown ang bansa”.
Matatandaang mahigpit ang LGUs at PNP, lalo na sa NCR, mula Marso hanggang Hunyo 2020, sa pagpapatupad ng samu’t saring deskarte upang disiplinahin ang mamamayan sa gitna ng pananalasa ng COVID – 19.
Ngunit matapos ang Hunyo ay unti-unti nang naglaho ang sobrang higpit ng LGUs at PNP.
Kahit mga ilegal na sugal tulad ng pagpapataya ng jueteng, tupada, online sabong, sugal-lupa tulad ng drop balls at color games, ay naglipana sa maraming barangay sa NCR at mga karatig lalawigan. (NELSON S. BADILLA)
235
