IPINAAARESTO ng Manila Regional Trial Court Branch 42 si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board member Sandra Cam gayundin ang kanyang anak at limang iba pa kaugnay sa pagpaslang umano kay Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III noong Oktubre 9, 2019.
Kabilang sa mga ipinaaaresto ni Judge Dinnah Aguila-Topacio ng Manila RTC Branch 42, ang anak ni Cam na si Marco Martin Cam, Nelson Cambaya, Junel Gomez, Bradford Solis, Juanito de Luna at Rigor dela Cruz.
Nahaharap sa kasong murder at frustrated murder sina Cam dahil sa pagkamatay ni Yuson at malubhang pagkasugat ni Alberto Alforte.
Pinayagan ng korte ang mga akusado na maglagak ng P200,000 halaga ng piyansa bawat isa para sa kasong frustrated murder habang walang rekomendadong piyansa para sa kasong murder.
Magugunitang ang grupo ni Yuson ay pinagbabaril habang nag-aagahan sa isang canteen sa Vicente Cruz St. sa Sampaloc, Manila
Sa masusing pag-aaral sa kaso, nakitaan ito ng “probable cause” para isampa sa korte base sa resolusyon ng Department of Justice (DOJ) prosecutors, complaint affidavit at supporting documents laban kay Cam at sa mga kasabwat umano nito.
Nabatid sa rekord ng pulisya, sina Gomez, Solis, De Luna, at Dela Cruz ay una nang naaresto matapos ang insidente at nakuha sa kanilang van ang mga armas.
Nahuli ang mga suspek sa hot pursuit operation ng mga awtoridad makaraan ang pananambang sa vice mayor.
Sa salaysay ng misis ni Yuson sa korte, si Cam umano lamang ang may motibong manakit sa kanila matapos na matalo ng anak ni Yuson na si Charman anak ni Cam na si Marco noong 2019 mayoral election sa Batuan town.
Gayunman, itinanggi ni Cam ang alegasyon. (RENE CRISOSTOMO)
238
