VACCINATION CARDS PINEPEKE SA CABUYAO PINEPEKE SA CABUYAO

LAGUNA – Patuloy ang paglobo ng kaso ng nakahahawang COVID-19 sa lalawigan sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad nang pinahigpit na panuntunan sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine.

Sa isang pahayag, bahagyang ibinubunton ng pamahalaang lungsod ng Cabuyao ang pagkalat ng sakit sa kanilang lokalidad sa naglipanang pekeng vaccination cards na ginagamit ng mga residenteng walang kaalam-alam na maging sila’y kontaminado na.

Anila, hindi na kailangan pang magpagawa o gumamit ng mga palsipikadong vaccination cards ang mga residente lalo pa’t patuloy naman anila ang kanilang pagbabakuna sa kanilang nasasakupan. Hindi din angkop na gamitin ang vaccination cards para makagala, lumiban sa kanilang trabaho o para sa diskwentong ibinibigay ng ilang establisimyento para sa mga bakunado.

Babala ng Cabuyao LGU, pananagutin nila ang sino mang nasa likod ng paglilimbag ng pekeng vaccination cards na halos kopyang-kopya sa kanilang iniisyu sa mga bakunado.

Pinawi rin ng Cabuyao LGU ang agam-agam ng ilan sa bakuna. Anila, may mga patunay nang inilabas ang mga eksperto na ligtas ang mga itinuturok na bakuna kaya naman dapat na silang sumailalim sa vaccination procedures na pinangangasiwaan ng local healthcare workers. (CYRILL QUILO)

215

Related posts

Leave a Comment