VAPE SHOP HINOLDAP NG ‘NBI AGENTS’

HINOLDAP ng anim katao na nagpakilalang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), ang isang vape e-cigarette shop sa ika-2 palapag ng gusali sa Tejeron Street, Sta. Ana, Manila noong Lunes ng gabi.

Ayon sa ulat ng Manila Police District Sta. Ana Police Station 6, bandang alas-6:25 ng gabi nang magtungo ang mag-asawang negosyante sa himpilan ng pulisya upang i-report ang nangyaring panloloob ng mga suspek sa kanilang vape shop sa ika-2 palapag ng Harmonic Seven Building sa Tejeron Street, Barangay 782, Sta. Ana.

Nabatid sa imbestigasyon, bandang 11:01 ng umaga, isang babae ang nagpanggap na buyer sa “Lets Vape Pare” vape shop sa nabanggit na lugar kasunod ang limang iba pang mga suspek, na tinutukan ng baril ang saleslady at tinangay ang mga panindang produkto na umabot sa halagang P1,844,730.

Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng Toyota Innova, na may plakang NEI-1156 at NBP-5105, patungo sa Pedro Gil, Sta. Ana.

Patuloy ang isinasagawang backtracking ng mga awtoridad sa CCTV footages upang matunton ang mga suspek.

(RENE CRISOSTOMO)

199

Related posts

Leave a Comment