Ang varicose veins ay mga ugat na malalaki at namamaga. Madali itong makita dahil halata ito na nasa ilalim lang ng ating balat. Mas madali ring makita ito kung ang ugat ay nakaangat.
Ang pagkakaroon nito ay hindi pa talaga matukoy ng mga doktor at pag-aaral ngunit sinasabing nangyayari kung ang walls ng ugat ay mahina. Ang ugat ay nahahatak, napipilipit, at lumalapad sa sitwasyong ito.
Sa pagkakaroon ng varicose veins, mapapansin na ang kulay ng mga ugat na ito ay blue o dark purple.
Ang anomang kondisyon na nagbibigay pressure (diin, lakas, bigat) sa legs o hita (maging ang pigi o sa may puwitan), mga paa, at tiyan ay maaaring maging dahilan ng pagkakaroon ng varicose veins.
Nagkakaroon nito kapag ang valves sa ugat ay hindi nagpa-function ng tama, kaya naman ang dugo ay hindi rin maayos na dumadaloy.
Ang common inducers sa pagkakaroon ng naturang kondisyon ay ang kabigatan ng timbang (obesity), pagbubuntis, pagtayo o pag-upo sa mahabang oras.
May mga babaeng matapos na magdalang-tao ay nawawalan din ng varicose veins nang kusa. Ito ay makalipas ng dalawa o tatlong linggo matapos na maipanganak ang kanilang sanggol.
DELIKADO BA ITO?
Ang varicose veins ay hindi nakahahawa, hindi rin naman delikado pero naroon talaga na hindi maganda itong tingnan lalo’t makinis naman ang iyong kutis.
Ang varicose veins, kapag malala na ay masakit din. Nariyan na mararamdaman mo ang pananakit, pangangalay at pakiramdam na parang mabigat at pagod na pagod ang bahagi ng katawan na mayroon nito.
TREATMENT SA VARICOSE VEINS
– Ipatong ang mga paa sa may katamtamang taas, halimbawa ay ang paglalagay ng dalawang unan sa ilalim ng mga paa. Maaaring idamay din ang bahagi ng mga binti kung ikaw ay nagpapahinga sa bahay – nakahiga o nakaupo.
Maaari ring gumamit ng footstool.
– Pagsasailalim sa sclerotherapy o injection sa mga ugat. Ito ay isinasagawa ng isang doktor kung saan may ipapasok na medicine sa ugat para ma-seal ito.
– Maaaring magsuot ng support stockings (ito ay special socks na hanggang tuhod at pini-press nito ang iyong legs para maiwasan ang veins mula sa pag-stretch o pananakit). Mas mainam din kung susuotin ito habang nasa bahay.
– Pagsasailalim sa laser therapy
– Surgery (vein stripping). Ang operasyon ay isinasagawa ng doktor upang matanggal ang ugat kung ang varicose veins ay sobrang lala na.
PAANO MALALAMAN NA MAY VARICOSE VEINS?
Mula sa ibinigay na impormasyon sa itaas ay malalaman na mayroon ka nito.
Sa iyong pagtayo, makikita ng isang doktor kung mayroon ka ng ganitong kondisyon. Maaaring mag-alala rin siya kung may kinalaman ito sa iyong kalusugan.
PAANO ITO MAIIWASAN?
– Iwasan ang tumayo nang matagal
– Iwasan ang maupo nang matagal
– Iwasan ang mag-cross ng legs
– Iwasan ang manigarilyo
– Iwasan ang masisikip na damit partikular ang mga pantalon, underwear, leotards, shorts, at medyas
– Mag-exercise nang regular. Iehersisyo o igalaw-galaw ang mga bahagi ng katawan kung saan naroon ang varicose veins
– Maglagay ng lotion at imasahe ito sa portion ng katawan na may varicose o spider veins
May mga cream na nabibili sa merkado na nagsasabing nakawawala ng varicose veins, ngunit mas maigi munang kumonsulta sa doktor para malaman kung ito ang tamang paraan para masolusyunan ang inyong problema. (ANN ESTERNON)
