VAT SUSPENSION SA LANGIS KAILANGAN NG BATAS —PALASYO

NILINAW ng Malakanyang na kailangan ng batas bago masuspinde ang value-added tax (VAT) sa petroleum products.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, wala sa kapangyarihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang direktang pagtanggal ng VAT sa langis dahil nakasaad ito sa umiiral na batas.

“Wala pong emergency powers ang Pangulo para suspendihin ang VAT sa fuel. Ito po ay nakasalalay sa Kongreso,” paliwanag niya.

Sa ilalim ng TRAIN Law, may 12% VAT ang petroleum products bukod pa sa excise tax—mga salik sa mataas na presyo ng krudo.

Gayunman, may kapangyarihan ang Pangulo sa ilalim ng Republic Act No. 12316 na pansamantalang bawasan o alisin ang excise tax sa panahon ng matinding oil price hike.

Binigyang-diin ng Palasyo na kailangang balansehin ang tulong sa publiko at ang pangangailangan ng gobyerno sa pondo para sa infrastructure at social services.

Bad News sa Langis

Samantala, hindi magandang balita para sa Pilipinas ang nabigong ceasefire talks sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, ayon sa Malakanyang.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang patuloy na tensyon sa Middle East ay direktang nakaaapekto sa global oil supply at presyo.

“Hindi siya magandang balita dahil ang nais natin ay permanenteng pagtigil ng sigalot,” aniya.

Bigo ang negosasyon matapos tanggihan ng Iran ang ilang kondisyon ng US, kabilang ang usapin sa nuclear weapons.

Babala ng Palasyo, kapag nagpatuloy ang krisis, asahan ang tuloy-tuloy na epekto nito sa presyo ng petrolyo sa bansa.

Sa kabila nito, tiniyak na pinananatili ng Pilipinas ang “non-hostile” stance sa Iran upang maiwasan ang mas malalang epekto sa suplay ng langis.

Patuloy ring tinututukan ng gobyerno ang sitwasyon sa pamamagitan ng mga inter-agency response para mabawasan ang epekto ng global oil crisis sa mga Pilipino.

(CHRISTIAN DALE)

56

Related posts

Leave a Comment