NANAWAGAN si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Benhur Abalos Jr. sa mga mall owner na maging istrikto sa paghahanap ng vaccination card ng mga papasok sa kanilang establisimyento lalo na ngayong malapit na ang Christmas season.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Abalos na kailangan din siguraduhin na ang papasok sa malls ay nakasuot ng mask.
“Please lang, istriktuhan pagdating dito. Itong bakuna plus mask at social distancing.. ito po ang mga bagay na magbibigay proteksyon po sa atin,” ayon kay Abalos.
Nakiusap din sila sa mall owners na i-extend ang kanilang oras.
Sa kabilang dako, patuloy ang pagbabakuna ng Local Government Units (LGUs) sa mga tiangge owner, operators at sellers na bahagi ng “no vaccine, no tiangge”.
Sinabi ni Abalos na importante na mabakunahan ang mga ito lalo pa’t seasonal lamang ang mga tiangge.
Nanggagaling pa aniya kasi sa mga lalawigan ang mga ito at kapag natapos na ang Christmas season ay mag-uuwian din sa kani-kanilang probinsiya. (CHRISTIAN DALE)
177 