(CHRISTIAN DALE)
SA pagdiriwang kahapon ng National Heroes Day ay inaalala rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kabayanihan ng mga beteranong nakipaglaban noong panahon ng digmaan.
Dito ay inanunsyo ng Pangulo na magpapatayo ang pamahalaan ng mga ospital para sa mga beterano sa Visayas at Mindanao.
Makakaasa aniya ang mga beteranong sundalo na mananatiling aktibo ang gobyerno sa pagsusulong ng mga programang tutugon sa pangangailangan ng mga ito lalo na para sa kanilang mga rekisitong may kinalaman sa pangkalusugan.
“Kaisa ng Philippine Veterans Affairs Office, magpapatayo tayo ng mga ospital sa Visayas at Mindanao na ilalaan natin para sa ating mga beterano. Nais ko rin kunin ang pagkakataong ito upang magpaalala sa lahat na sumunod na sa direktiba ng pamahalaan hinggil sa ating kalusugan,” ayon sa Chief Executive.
Sa kasalukuyan aniya ay ang Veterans Memorial Medical Center o VMMC na nasa Diliman, Quezon City ang ospital para sa mga beterano.
Inanyayahan naman ng Pangulo ang lahat na magpabakuna at makiisa sa mga vaccination program upang mapangalagaan ang kalusugan hindi lamang ng sarili kundi para na rin sa kapwa.
Ito aniya ang tamang panahon upang pagtibayin ang lakas at maghanda sa mabilis at siguradong pagbangon ng ekonomiya.
“Manalig tayong sisikat at sasapit din ang mas ligtas at mas masaganang kinabukasan para sa ating lahat,” giit ng Pangulo.
“Ipinamalas sa atin ng kasaysayan na ang ating kolektibong lakas ay maghahatid sa atin sa rurok ng tagumpay. Ang mga bayaning nag-alay ng sarili para sa atin ay huwarang patotoo sa pangako ng pag-asa na ating pinanghahawakan. Kaya naman dapat lamang natin pahalagahan nang wasto ang ating kalayaan at ibaling ang ating mga kinikilos na ayon sa pag-ibig at pagmamalasakit sa kapwa,” aniya pa rin.
“Habang ang mga makabagong panahon ay nagbibigay sa atin ng mga pagbabagong kailangang harapin, tiyak na malalampasan natin ang kahit na anong pagsubok kung magiging bayani tayo sa ating mga sariling pamamaraan. Gamitin natin ang ating kakayahan upang panibaguhin ang ating kapaligiran para sa higit na ikakabuti ng lahat,” lahad nito.
Ang panawagan pa ng Pangulo sa lahat ay huwag ikulong ang sarili sa hidwaan at paghihilahan ng pababa. Sa halip aniya ay maging instrumento ng pagkakaisa, ng kapayapaan.
“Umaasa ako na sa halimbawa ng ating mga dakilang bayani, higit nating isasabuhay ang kanilang ipinakitang pag-ibig sa bayan at ipinagtatanggol at ipinaglalaban nilang panata sa kabutihan.
Buong tapang nating harapin ang anumang hamon na hinaharap na may tiwala tayo na higit na lalakas at magiging matagumpay kung tayo ay patuloy na magkakaisa at magtutulungan bilang isang bansa,” ayon sa Pangulo.
“Maraming salamat po sa inyong lahat. Mabuhay ang mga Pilipinong bayani, noon, ngayon at kailanpaman,” ang pagbati nito.
Bagong bayani
Pinarangalan din ni Pangulong Marcos Jr. ang mga bayani ng makabagong panahon dahil sa malasakit at kabutihang loob ng mga ito na naging mas mabuti ang kalagayan ng bansa ngayon.
Sa kanyang pagdalo sa National Heroes Day event sa Libingan ng mga Bayani, bahagi ng talumpati ng Pangulo ang pagkilala sa mga magsasaka, agricultural worker na buong araw ay nagsisikap upang matugunan ang mga pangangailangan para sa seguridad ng suplay ng pagkain.
“Kung hindi dahil sa kanila, wala tayong pagkaing maihahain sa ating mga pamilya. Tunay silang mga bayani kailanman,” ayon kay Pangulong Marcos.
Pinasalamatan din niya ang sektor ng kalakalan at industriya na nangunguna sa landas tungo sa maunlad na ekonomiya.
May mga hamon man aniyang hinaharap sa nagdaang dalawang taon ay patuloy pa ring binuksan ng mga ito ang kanilang mga negosyo para sa publiko.
Kahanga-hanga rin aniya ang pakikiisa ng mga ito sa pamahalaan lalo na may mga negosyong matapat na nagbabayad sa kanilang empleyado kahit na nauubusan sila ng pondo.
Bukod dito, ikinararangal din ng Punong Ehekutibo ang lahat ng mga manggagawang Pilipino na nagtatrabaho nang buong husay at buong dangal. Sa bawat likha aniya ng mga kamay ng mga ito ay mas lalong pinagtitibay ang pundasyon ng ekonomiya at lipunan.
Sa kabilang dako, sinabi pa ng Pangulo na hindi rin aniya dapat kinalilimutan ng lahat ang mga propesyunal at manggagawa sa sektor ng kalusugan na araw-araw nakikipagsapalaran sa panganib na kalakip ng kanilang sinumpaang tungkulin.
Kabilang din aniya sa mga frontliner ang kapulisan, ang mga sundalo, ang mga barangay official, community leader, pati na rin ang mga ecological warriors at iba pang sektor na sa kani-kanilang paraan at mga tungkulin ay patuloy na naglilingkod sa bayan at sa mga kapwang mamamayan.
Hindi rin aniya niya kinakalimutan ang mga manggagawang mandarayuhan o mas kilala sa tawag na OFW.
“Silang lahat na nagsasakripisyo sa ibayong dagat mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang mga mahal sa buhay. Sa kabila ng mga pagsubok ng kanilang hinaharap, sinisiguro natin na sila ay ligtas lalo na ang mga naiipit sa mga kaguluhan sa bansang kanilang kinaroroonan,” lahad nito.
