AALIS na sa Disyembre ang tropa ng Estados Unidos sa Pilipinas kapag hindi pinalawig ang extension sa pagbasura sa Visiting Forces Ageement (VFA).
Ito ang nabatid kay House committee on national defense and security vice chairman Ruffy Biazon kaya ipinaalala nito sa gobyerno na nakatakdang mag-expire ang VFA abrogation sa Disyembre 1.
“Sana lang nasa consciousness na ito kasi understandably lahat tayo naging abala with the pandemic and then kamakailan, itong mga bagyo. Baka magkabiglaan na naman pagdating ng December,” ani Biazon.
Kahit ang Amerika ay kailangan malaman ang pinal na desisyon ng gobyerno ng Pilipinas sa nasabing kasunduan upang makapaghanda na rin ang mga ito kung sakali.
“Dahil pag na-finalize ‘yong sinasabing termination, they would have to pull out their troops and pull out the temporary facilities that they have in the country,” ayon pa sa kongresista.
Subalit kung ang mambabatas ang tatanungin, dapat aniyang palawigin pa ang extension sa VFA termination at gamitin ang pagkakataon para sa renegosasyon sa nasabing kasunduan sa sinomang mananalong presidente ng Amerika.
Ngayong araw ang presidential election sa Amerika kung saan naglalaban sina incumbent President Donald Trump at dating Vice President Joe Biden.
Magugunita na pina-terminate ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2020 ang VFA matapos kanselahin ng Amerika ang US Visa ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa dahil sa giyera ng Philippine National Police (PNP) na dati nitong pinamumunuan, kontra droga na sinasabing malala ang extra-judicial killings.
Gayunpaman, bago naipatupad ang termination ng VFA ay pinalawig ito ni Duterte hanggang Disyembre 1, 2020. (BERNARD TAGUINOD)
332
