ISANG kandidato sa pagka-bise alkalde sa Reyna Mercedes sa lalawigan ng Isabela ang sinampahan ng kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act sa City Prosecutor’s Office ng Manila, sa pamamagitan ng Task Force Katotohanan, Katapatan at Katarungan (KKK) sa Halalan ng Commission on Elections.
Ayon sa reklamo ng Comelec, nag-post umano si Neryll Harold Respicio sa kanyang social media page ng video noong Enero 24 bandang alas-7 ng gabi na may titulong paano i-hack ang automated counting machine (ACM).
Muling nag-post kinabukasan, Enero 25, si Respicio ng video ng actual hacking ng umano’y source code ng ACM at kung paano ito madaling manipulahin.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, gumawa ng kunwaring source code si Respicio para palabasing kayang imaniobra ang halalan.
Kauna-unahan itong kaso na inihain ng komisyon laban sa isyu ng cybercrime.
Ayon sa Task Force, maghahain din sila ng disqualification case laban kay Respicio gayundin ng disbarment sa IBP.
At gayundin din umano sa PRC upang matanggalan ito ng lisensya bilang accountant. (JOCELYN DOMENDEN)
