CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Lalong pinatatag ng Philippine Army at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang kanilang ugnayan at komunikasyon sa isinagawang Peace Forum sa bayan ng Talayan, Maguindanao del Sur noong Huwebes.
Ayon kay Col. Edgar L. Catu, pinuno ng 601st Brigade, mahalaga ang ganitong inisyatiba upang makabuo ng mas ligtas at mapayapang komunidad para sa lahat.
“We welcome this opportunity to engage in a peaceful and constructive dialogue with our MILF counterparts,” pahayag ni Col. Catu sa nasabing peace forum na ginanap sa Mango Groves, Talayan, Maguindanao del Sur.
Dumalo rin sa pagtitipon sina Col. Ricky P. Bunayog, Acting Commander ng 602nd Brigade; Lt. Col. Robert F. Betita, pinuno ng 1MechBn; Lt. Col. Udgie C. Villan, pinuno ng 33IB; Lt. Col. Loqui Marco, pinuno ng 90IB; Lt. Col. Al Victor Burkley, pinuno ng 6IB; at mga kinatawan mula sa 1BCT.
Suportado rin ang pagpupulong ng mga lokal na opisyal na sina Hon. Nathaniel Midtimbang, Bise Gobernador ng Maguindanao del Sur, kasama si Datu Ali Midtimbang at iba pang opisyal ng bayan ng Talayan.
Sa panig ng MILF, dumalo sina Butch Malang, Chairman ng MILF CCCH; Anwar Alamada, Chairman ng MILF-AHJAG; at iba pang MILF leaders tulad nina Wahid Tundok, Base Commander ng 118BC; Azmi Casim, Operations Officer ng 106BC; Abdulhak Ibrahim ng 105BC; Arnold Makakena ng National Guard, MILF-BIAF; at iba pang kinatawan mula sa iba’t ibang komunidad.
Samantala, sa kanyang pahayag, hinikayat ni Brigadier General Donald M. Gumiran, commander ng 6th Infantry (KAMPILAN) Division, ang patuloy na pagpapatibay ng ugnayan at komunikasyon sa pagitan ng sundalo at mga miyembro ng MILF upang mapabilis ang aksyon at pagtugon sa anomang banta ng karahasan.
“Ipagpatuloy natin ang magandang ugnayan at koordinasyon upang matiyak ang seguridad at kapayapaan sa ating rehiyon. Pinapasalamatan ko rin ang ating mga lokal na lider, ang ceasefire mechanisms ng GPH-MILF-CCCH, at ang mga kinatawan ng MILF sa kanilang patuloy na suporta sa inisyatibong pangkapayapaan at kaunlaran hindi lamang sa BARMM kundi sa buong Central Mindanao,” ani Brig. Gen. Gumiran.
Ang naturang forum ay isang patunay ng matibay na kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng MILF tungo sa patuloy na kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon. (JESSE KABEL RUIZ)
