VILLAR GIGISAHIN SA KAPALPAKAN NG PRIMEWATER

HINDI isinasara ng isang administration congressman ang posibilidad na ipatawag si Sen. Mark Villar sa isasagawang imbestigasyon sa masamang serbisyo umano ng PrimeWater Infrastructure Corp., sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa isang panayam kay Zambales Rep. Jay Khonghun, agad na sisimulan ang imbestigasyon sa PrimeWater pagkatapos na pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon sa mambabatas, bagama’t may umiiral na parliamentary courtesy sa pagitan ng dalawang Kapulungan, iimbitahan nila si Sen. Villar kung kinakailangan dahil base sa report ng Malacañang, sa panahon ng Senador bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dumami ang Joint Venture Agreement ng PrimeWater sa mga local district.

“Siguro kung kinakailangan (iimbitahan si Sen. Villar). Kung darating tayo dun gagawin din natin yun kung kailangan talaga, nakikita talaga na dun nakatumbok ang imbestigasyon, dun talaga ang direksyon at kung makikita natin dapat magkaroon ng kinakailangan ng pagpapaliwanag,” ani Khonghun.

Base sa report ng Malacañang, dumami ang pinasok na JVA ng PrimeWater noong panahon ni Villar sa DPWH mula 2016 hanggang 2021 kung saan ang Local Water Utilities Administration (LWUA) ay attached agency ng kanyang ahensya.

Samantala, sinabi ni Khonghun na bukod kay La Union Rep. Paolo Ortega V na co-author nito sa House Resolution (HR) 22 para imbestigahan ang serbisyo ng PrimeWater ay umaabot umano sa 40 congressmen ang nagpahayag ng interes na maging bahagi ng resolusyon.

Hindi binanggit ng mambabatas kung sino-sino ang mga kongresistang ito subalit mula aniya ang mga ito sa iba’t ibang probinsya tulad ng Bulacan, Batangas, San Pedro (Laguna), Camarines Norte, Cabanatuan City at Sorsogon City kung saan PrimeWater ang namamahala sa kanilang tubig.

Itinanggi ng mambabatas na may pulitika sa kanilang isasagawang imbestigasyon dahil sa kaso aniya ng Zambales, 7 taon na umano ang JVA kung saan may kasunduan na sa loob ng 5 taon ay kailangang maglagak ng P200 million na puhunan ang PrimeWater para dagdagan ang sinusuplay na tubig at maayos ang mga linya subalit P40 million pa lamang umano ang inilalabas nito.

(BERNARD TAGUINOD)

35

Related posts

Leave a Comment