BISTADOR ni RUDY SIM
ANG pinakahuling posts ng Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy matapos ang kanyang deportasyon, ay malinaw na hindi paghahanap ng katarungan kundi paglikha lamang ng walang saysay na ingay. Sa halip na akuin ang pananagutan sa sariling masamang asal—na nagbunsod sa deklarasyon sa kanya bilang undesirable alien—mas pinili niyang maglatag ng mga paratang laban sa Bureau of Immigration (BI) detention center at mga opisyal nito, nang walang ebidensya at walang balanseng konteksto.
Ang ganitong istilo ay hindi na bago. Ang kanyang mga pahayag ay mapanira, mapang-insulto, at malinaw na idinisenyo upang magpaingay at mag-ani ng simpatya sa social media. Batay mismo sa pakikipag-usap ng may-akda kay Vitaly at sa kanyang ina, lantad na pagkawala ng kita mula sa vlogging ang nagtulak sa patuloy nitong paglalabas ng kontrobersyal na content.
Dapat itong sabihin nang malinaw: walang katotohanan ang mga bintang ni Vitaly laban sa BI detention center at sa officers nito. Maraming reporma ang ginagawa ng kasalukuyang administrasyon at ang mga paninira ni Vitaly ay naglalayon lamang ng iisang bagay — balikan ang institusyon na nagpaalis sa kanya sa bansa dahil sa kanyang masamang asal sa mga Pilipino. Ang kanyang mga bagong post ay bahagi ng isang pamilyar na pormula—kontrobersiya kapalit ng views, paninira kapalit ng kita.
Walang kredibilidad ang isang napatunayang undesirable alien at napatalsik ng bansa. Lahat ng lalabas sa kanyang bibig ay bunga ng pagmamanipula sa katotohanan upang ipagpatuloy ang paninira.
Ang Pilipinas ay bukas sa kritisismo, ngunit hindi dapat maging kanlungan ng kasinungalingan, lalo na mula sa mga banyagang hindi nararapat manatili sa bayan. Ang ingay ay mananatiling ingay—walang bigat, walang kredibilidad, at walang saysay na sa huli, hindi dapat paniwalaan ang walang basehang bintang ng taong yumurak sa bansa at pinaalis dahil sa kanyang mga maling ginawa.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
4
