AARANGKADANG muli ang voters’ registration ng Commission on Elections (COMELEC) sa unang araw ng Setyembre.
Inanunsyo ni COMELEC Spokesperson James Jimenez, na maaari na muling magparehistro ang mga bagong botante at maaaring magsumite ng registration tuwing Martes hanggang Sabado, alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Paglilinaw naman ng COMELEC, isasagawa lamang ito sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified GCQ.
Sakali namang itaas muli sa enhanced community quarantine (ECQ) o modified enhanced community quarantine (MECQ) ang isang lugar ay otomatikong sususpendihin ang voters’
registration dito.
Kaugnay nito, limitado pa rin ang pagtanggap sa mga opisina ng COMELEC para masigurong nasusunod ang physical distancing at kinakailangan din na nakasuot ng face mask at face shield ang
magpaparehistro.
Magtatalaga rin ang COMELEC ng express lane para naman sa mga miyembro ng vulnerable sectors kabilang ang senior citizens, Persons With Disabilities (PWDs) at mga buntis. (D ANIN)
