(BERNARD TAGUINOD)
DEDMA ang mga kongresista sa umiikot na resolusyon ng partidong PDP-Laban na humihikayat kay Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo bilang vice president sa 2022 elections.
Tinangka ng mga mamamahayag na kunin ang reaksyon ng mga miyembro ng PDP-Laban sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco sa nasabing resolusyon ng partido subalit walang sagot ang mga ito.
Si Velasco ang pinakamataas na lider ng PDP-Laban sa Kamara dahil sa hinahawakan nitong puwesto at 63 ang miyembro subalit walang isa man sa mga ito ang gustong magsalita hinggil sa pinaiikot na resolusyon ng kanilang partido.
Walang impormasyon kung ilan na ang lumagda sa nasabing resolusyon.
Nabuo ang resolusyon sa isang pulong umano ng PDP-Laban nang imungkahi ni dating Malabon Rep. Ricky Sandoval na kumbinsihin si Duterte na tumakbo sa susunod na eleksyon sa ikalawang pinamataas na puwesto sa gobyerno at sinegundahan umano ito ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos.
Hindi pa nagbibigay ng statement sina Sandoval at Abalos ukol dito subalit umiikot na ang resolusyon sa mga miyembro ng administration party kung saan ang pangulo ang chairman.
Si Pangulong Duterte ay unang itinutulak ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na tumakbong bise presidente katambal ang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Gayunman, tinabla ni Duterte ang pagtakbo ng anak at kamakalawa ay lumutang ang survey ng Pulse Asia kung saan itinambal siya kay Sen. Christopher Bong Go.
Nanguna sa survey ang Go-Duterte tandem na lumabas ilang araw matapos iendorso ng pangulo ang presidential bid ni Go, na 21 taon na nitong alalay sa Davao City.
DINEDMA RIN
SA PALASYO
Kaugnay nito, inihayag ng Palasyo na wala umanong panahon si Pangulong Duterte na pag-usapan ang panawagan na tumakbo siya bilang bise-presidente sa 2022.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na nakatuon ang atensyon ng pangulo sa COVID-19 vaccination program ng bansa.
Bagama’t hindi pa naman niya nakakausap ang pangulo sa bagay na ito ay sinabi ni Sec. Roque na ang marching orders ng punong ehekutibo ay tiyakin ang vaccine rollout at hikayatin ang publiko na magpabakuna.
“Hindi ko pa po nakakausap ang presidente tungkol sa bagay na ito. Ang plano ko po talaga sana ay magkaroon ng isang mahabang usapin tungkol sa pulitika,” ang pahayag ni sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
137 