PDP NI CUSI KONTRA KAY PACQUIAO

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

IKINAPIKON ni Senador Manny Pacquiao ang pagkilos umano ni Energy Secretary Alfonso Cusi para kumbinsihin ang kanilang mga kasama sa ruling PDP-Laban party na suportahan ang kanyang itinutulak na pagkandidato ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bise presidente sa halalan sa 2022.

Inupakan ng senador ang kalihim at inakusahan na tinatangka nitong hatiin ang partido para sa pansariling interes.
Sa ngayon si Pacquiao ang tumatayong acting president ng PDP-Laban habang acting vice-chairman si Cusi at ang chairman ay si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Since na-mention mo yung pangalan ni Cusi, isa lang masasabi ko, yung salita mo paninindigan mo…Huwag mong kainin yung salita mo na sabi mo huwag munang pulitika, tulong muna sa tao,” saad ni Pacquiao.

Ayon sa ulat, umiikot na umano si Cusi at kinukonsulta ang kanilang partymates hinggil sa resolution na nananawagan kay Pangulong Duterte para kumandidato bilang vice president sa 2022.

“Huwag mong dini-divide yung isipan ng mga miyembro ng partido para gamitin mo sa sariling interest unless kung umikot ka para magbigay ng tulong sa mga kababayan, palakpakan kita, matutuwa ako,” diin ni Pacquiao.

“Pero kung umiikot ka, pulitika pinag-usapan mo, huwag mong ganyanin. Huwag mong lasunin ang utak ng mga miyembro ng partido para magkahiwa-hiwalay,” dagdag pa nito.

“Pero…hindi ako ang tao na pwede mo lang laru-laruin. Warning lang ito, hindi ako nakikipag-away sayo. Gusto kong makipagkaibigan sayo,” binigyang-diin pa ng Pambansang Kamao.

Duda ng ilan, maaring ikinairita ni Pacquiao ang posibilidad na ilaglag siya ng mismong mga kapartido at mawalan siya ng pwesto lalo pa’t may nagpapalutang ng tambalang Go-Duterte.

Si Pacquiao ay isa sa mga maugong na kakandidato sa mas mataas na posisyon sa susunod na halalan.
Sa kabila nito, tiniyak ni PDP-Laban executive vice chairman Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, na walang gusot sa kanilang partido.

336

Related posts

Leave a Comment