VP SARA HINAMON HUMARAP SA IMPEACHMENT HEARING

HINAMON ng ilang mambabatas si Vice President Sara Duterte na dumalo sa impeachment hearing na nakatakda ngayon, Abril 14, upang personal na sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya, sa halip na umasa sa pagdulog sa Supreme Court upang harangin ang proceedings.

Ayon kay Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V, ang publiko ay naghihintay ng malinaw na sagot batay sa ebidensya.

“The public deserves answers based on evidence, not avoidance. Kung may depensa, ilahad. Kung may tanong sa testigo, itanong sa hearing. Hindi puwedeng i-dismiss sa labas ang mga testigo pero iiwasan ang pagkakataong harapin sila sa loob ng proseso,” ani Ortega.

Iginiit niya na ang House Committee on Justice ang tamang forum para ilahad ni Duterte ang kanyang panig, at hindi ang Korte Suprema.

Kapareho rin ang pahayag ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability. Aniya, kung itinuturing ng kampo ni Duterte na “weakest link” ang testigong si Ramil Madriaga, mas nararapat na humarap ang Pangalawang Pangulo sa pagdinig.

“Kung sinasabi nilang sinungaling at ‘weakest link’ si Madriaga, mas lalo nilang dapat harapin ang pagdinig para mapatunayan iyon,” ani Chua.

Nauna nang tinawag ni dating presidential spokesperson Salvador Panelo na “unreliable” si Madriaga. Gayunman, ayon sa ilang mambabatas, maaga pa upang sabihing mahina ang testigo dahil maaaring mayroon itong ebidensya laban sa dating amo.

Hinimok din ni House Committee on Public Accounts chairman at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon si Duterte na dumalo sa hearing.

Aniya, hindi sapat ang mga pahayag sa press conference upang sagutin ang mga alegasyon laban sa Pangalawang Pangulo.

Binatikos din ni Ridon si Panelo, na aniya’y walang papel sa impeachment proceedings.

(TINA MENDOZA)

54

Related posts

Leave a Comment