KUMPIYANSA ang mga abogado ni Vice President Sara Duterte na maipapanalo nila ang impeachment trial laban dito.
“Ako naman I am most confident with the lawyers working on my impeachment case,” ayon kay VP Sara, na nasa Cebu ngayon para bisitahin ang ilan sa kanyang mga kamag-anak sa Danao City.
Sinagot din ni VP Sara ang mga komento mula sa mga mambabatas na pinalalabas na ang kanyang ginawang pag-endorso sa ilang Senate candidates ay isang “political move” na ang hangarin ay impluwensiyahan ang impeachment trial kapag nagbukas ang bagong Kongreso matapos ang midterm elections.
“[Ang] nag-trigger ng paglabas ko ay ang ginawa nila kay Pangulong Duterte at ang ginawa nila na injustice,” ang winika ni VP Sara.
Ani VP Sara, ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang humiling sa kanya na ikampanya ang 10 Senate candidates, sa kanyang ngalan.
Kabilang dito sina Atty. Jimmy Bondoc, Jayvee Hinlo, Raul Lambino, Dante Marcoleta at Vic Rodriguez; incumbent senators Bato Dela Rosa at Bong Go; actor Philip Salvador; Dr. Marites Mata, at Pastor Apollo Quiboloy.
Inendorso rin ni VP Sara si Congresswoman Camille Villar at reelectionist Senator Imee Marcos. Sinabi ni VP Sara na hindi na niya nahingi pa ang permiso ng kanyang ama bago pa niya inendorso ang dalawa.
“Kaibigan ko sina Senator Imee Marcos and (Senator) Camille Villar. Kulang naman kasi ng dalawang kandidato ang sampu,” ang paliwanag ni VP Sara.
Tiniyak naman ni VP Sara na hindi siya sasama sa anomang campaign rallies para sa senatorial candidates.
“Ang ginagawa ko unang-una nagpapasalamat sa mga tao dahil ang dami-daming nagpakita ng suporta,” aniya pa rin.
“Hindi din naman magkasama yung #Duter10 at yung dalawa,” ang tinuran ni VP Sara.
Samantala, hinikayat ng Bise Presidente ang PDP na magplano ng rally kasama ang lahat ng 12 candidates.
(CHRISTIAN DALE)
