TILA sukang-suka ang grupo ng kababaihan sa mensahe ni Vice President Sara Duterte sa International Women’s Day, kung saan nanawagan pa ito ng katarungan sa kanyang mga kabaro.
Ayon kay House Assistant Minority Leader Arlene Brosas ng Gabriel Women’s party-list group, ang lakas ng apog umano ni VP Sara na manawagan ng katarungan nang hindi nito isinaalang-alang ang epekto ng mga polisiya ng kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte, particular na ang giyera kontra droga na nagpairal ng walang habas na mga extrajudicial killing (EJK) sa libu-libong inosente na nagresulta sa pagkamatay ng mga asawa at anak.
“It is the height of hypocrisy for the vice president to call for the strengthening of laws against gender-based violence when her father’s administration perpetuated one of the most violent campaigns that left thousands of mothers grieving for their children killed in their so-called ‘war on drugs,” punto ni Brosas.
Bukod dito, aniya, napakaraming mga kababaihan na nakikipaglaban lamang para sa kanilang mga komunidad at katarungan ang na-redtag ng ama ng pangalawang pangulo subalit kahit minsan ay hindi ito kinondena ni VP Sara.
Dahil dito, itinuturing ni Brosas na lubhang napakababaw ang mensahe ng anak ni Duterte na gusto lamang sumawsaw sa nasabing okasyon, lalo na’t wala na ang dating pangulo sa kapangyarihan.
“The audacity! Ang lakas ng loob manawagan para sa katarungan para sa kababaihan habang hindi man lang kinikilala ang libu-libong mga ina ng naulila, nawalan ng asawa’t anak at napilitang mag-isang pasanin ang responsibilidad sa pamilya dahil sa madugong polisiya ng kanyang ama,” pagdadalamhati ng mambabatas.
Kinatigan din ito ni dating congresswoman Sarah Elago at pinaalala na noong panahon umano ng kanyang ama ay galit dito ang mga kababaihan dahil sa matinding pambabastos sa kababaihan tulad ng pagbibiro ukol panggagahasa.
“How can we seriously take VP Duterte’s message on Women’s Day when she remains silent about her father’s legacy of misogyny? During his term, the highest official of the land normalized sexual objectification of women and even joked about rape. This sent a dangerous message that violence against women is acceptable,” idiniin ni Elago.
Dahil dito, pinayuhan ng dalawa si VP Sara na mag-ingat sa pagbibigay ng mga mensahe sa mga kababaihan at kung seryoso ito na mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng karahasan ay dapat noon pa ay kinondena niya ang kanyang ama.
“Ang tunay na pagkilala sa Buwan ng Kababaihan ay ang pagharap sa katotohanan ng karahasan ng estado laban sa kababaihan at ang pagkilos para wakasan ito. Hindi ito simpleng mga mensahe at retorika kundi konkretong aksyon para sa tunay na pagbabago,” giit ni Elago. (PRIMITIVO MAKILING)
