LUMAKAS ang hamon para masusing imbestigahan ng Bureau of Immigration ang pagkakatakas ng South Korean national na umano’y nagbayad ng P30 million.
Nauna rito, iginiit ni House minority leader Marcelino Libanan na dapat gawin lahat ng paraan ng BI para maibalik sa kulungan ang suspek na si Na Ikhyeon para hindi tuluyang mawalan ng tiwala ang publiko sa sistema ng hustisya ng bansa at maging sa nasabing tanggapan.
“Allowing a fugitive to remain at large undermines our justice system. The BI must act swiftly to bring him back into custody,” pahayag ni Libanan.
Mainit na pinag-uusapan na may nabayaran sa BI ng aabot sa P30 milyon para makatakas ang dayuhan na kinakailangan masagot ng ahensya.
Kasunod nito, inanunsyo kahapon ng BI na muli nilang nasakote si Na Ikhyeon matapos siyang pumuga noong Marso 4 sa Quezon City.
Ayon sa BI, naaresto si Na sa joint operation ng BI Fugitive Search Unit and Intelligence Division, sa koordinasyon ng City Intelligence Unit, Police Station 4 Angeles, Regional Special Operations Unit PRO 3, at PNP-Intelligence Group at Naval Intelligence and Security Group Northern Luzon.
Ang suspek ay naabutan na nagtatago sa isang bahay sa Brgy. Pampang, Angeles City, Pampanga.
Naaresto rin ang sinasabing kasabwat nito na si Kang Changbeom.
Nalaman na tinulungan ni Kang ang suspek na makatakas batay na rin sa CCTV footage at iba pang nakalap na impormasyon ng mga awtoridad.
Sa beripikasyon ng mga awtoridad sa Korean National Police Agency, nakumpirma na si Kang ay wanted fugitive sa South Korea sa kasong fraud.
Parehong ililipat ang dalawang pugante sa detention facility ng BI sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Hihigpitan naman ang seguridad para sa paglilipat sa dalawa kasunod ng insidente ng pagtakas bukod sa itinuturing na silang high-risk detainees dahil sa tangkang pagpuga.
Samantala, ang dalawang tauhan ng BI na nagpatakas umano kay Na, ay contractual employees na agad tinanggal sa trabaho.
Habang ang kaso ng isa pang sangkot na permanent employee ay inakyat na sa Department of Justice.
Noong Biyernes, naglabas si DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla ng termination order sa pangatlong empleyado na sangkot sa pagtakas ng nasabing South Korean. (PRIMITIVO MAKILING/JOCELYN DOMENDEN)
