VP SARA NAG-AAKUSA NANG WALANG RESIBO – SOLON

PARA pagtakpan at ilihis ang katiwalian sa paggamit ng kanyang confidential and intelligence funds (CIF) na mahigit anim na raang milyong piso, nagbibintang ng korupsyon si Vice President Sara Duterte nang walang maipakitang resibo o pruweba.

Ginawa ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ang pahayag bilang reaksyon sa statement ni Duterte na malaki na umano ang pinsala ng mali at katiwalian ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez sa pambansang pondo.

“Sa halip na magbato ng malalaking paratang, mas makabubuti kung harapin natin ang mga lehitimong tanong tungkol sa paggamit ng confidential and intelligence funds na umabot sa mahigit P600 milyon,” ani Ortega.

Base sa lumabas sa imbestigasyon ng Kamara, umaabot sa P612.5 million CIF ni Duterte noong 2023 na kinabibilangan ng P112.5 million ng Department of Education (DepEd) na kanyang pinamunuan mula 2022 hanggang 2024 at P500 million sa Office of the Vice President (OVP).

Bukod ito sa P125 million na ginastos ni Duterte sa loob lamang ng 11 araw noong 2022 na ayon sa mambabatas ay hindi gawa-gawa dahil dokumentado ito ng Commission on Audit (COA) samantalang ang katiwalian na inaakusa nito sa Kamara ay walang maipakita ang Bise Presidente na resibo mula sa nasabing komisyon.

“Walang kahit anong batayan ang paratang ng korapsyon laban sa House leadership. Ang tunay na isyu ay ang confidential funds na ginastos ni Vice President Sara Duterte sa loob lamang ng 11 araw at kung bakit ang mga recipient ay may pangalan na tila kathang-isip—gaya nina ‘Mary Grace Piattos,’ ‘Jay Kamote,’ ‘Xiaome Ocho,’ at kung sinu-sino pang mukhang gawang pangalan lang.

Ito ang dapat niyang ipaliwanag, hindi ang pagbibintang sa iba,”mahabang litanya naman ni House deputy speaker David Suarez.

Dahil dito, hinamon ng dalawang mambabatas si Duterte na itigil ang pagbabato ng walang basehang alegasyon laban sa liderato ng Kamara at maging sa gobyerno at sa halip sagutin nito nang diretso kung saan nito ginamit ang kanyang CIF.

Hindi na anila dapat ilihis ng Pangalawang Pangulo ang isyu dahil tungkulin nito na magpaliwanag sa taxpayers dahil pera ng mga ito ang pondong ginamit sa kaduda-dudang paraan.

(PRIMITIVO MAKILING)

46

Related posts

Leave a Comment