SOLON KAY BBM: OBRERO ‘WAG UTUIN SA LIBRENG LRT RIDE

TUWING Labor Day na lang, imbes na disente at nakabubuhay na sahod ang regalo ng gobyerno ay puro mumo lang at pagpapaasa ang ibinibigay sa mga manggagawa na siyang tunay na bumubuhay sa ekonomiya ng ating bansa.

Pahayag ito ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas na malungkot na ginunita ang Labor Day dahil mistulang walang plano si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na sertipikahan bilang urgent bill ang ₱200 across-the-board wage increase na ipinasa ng Kamara.

“Hindi sapat ang barya-baryang umento sa sahod o libreng sakay sa MRT at LRT. What our workers need is genuine economic relief through significant wage adjustments,” ayon kay Brosas.

Kailangan-na-kailangan aniya ng mga manggagawa ang dagdag na sahod dahil sa patuloy ang pagtaas na presyo ng mga bilihin na hindi naman maawat aniya ng gobyernong Marcos Jr.

Bago nag-adjourn ang Kongreso nitong Pebrero 5, 2025, ipinasa ng Kamara ang ₱200 legislative wage increase sa ikalawang pagbasa subalit posibleng hindi ito maipasa sa pagbalik trabaho ng Kongreso sa Hunyo 2, 2025 hangga’t hindi sinesertipikahan ni Marcos Jr. bilang urgent bill ang panukala.

“Habang nagdiriwang tayo ng Labor Day, ang mga mahahalagang panukalang batas para sa sahod ay nakatengga lamang sa Kongreso. Pinaasa ang mga manggagawa na itataas ang sahod pero wala namang inusad,” ayon naman kay dating lady solon Sarah Elago.

Maging ang ibang mambabatas, tulad nina House Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza, congressman Ron Salo at iba pang mambabatas ang umapila din kay Marcos na maawa na ito sa mga manggagawa.

Tanging ang Pangulo anila ang daan upang magkaroon ng kaunting ginhawa aniya ang mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagdami ng mga nagugutom at naghihirap dahil sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, partikular na ang pagkain.

“We’re taking steps in the right direction, but we should not lose sight of the bigger goal—a wage policy that truly works for the Filipino worker,” ani Salo.

(PRIMITIVO MAKILING)

46

Related posts

Leave a Comment