‘WAG PULITIKAHIN ANG SENIOR CITIZENS!

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAKATANGGAP tayo ng reklamo mula sa mga nakatatanda o senior citizens hinggil sa hindi patas na pagtrato sa kanila dahil hindi sila residente ng Quezon City, nang dumayo sila sa ilang shopping mall ng siyudad.

Partikular na inirereklamo nila ang ilang shopping mall sa Quezon City na kapag hindi residente ng lungsod ang senior citizen ay hindi pwede sa ‘free parking’ ang kanilang sasakyan.

Isang senior citizen ang nagtungo sa Quezon City at dun niya naisipan na bumili ng ilang items sa isang shopping mall, subalit nang ipinakita niya ang kanyang senior citizen ID para sa ‘free parking’ ay hindi ito tinanggap dahil hindi siya residente ng nasabing lungsod.

Pati ba naman mga nakatatanda ay ipagkakait ninyo ang nasabing benepisyo? Hindi na sila magtatagal sa mundo, hindi ba kayo naaawa sa kanila?

Ano ba naman ang P30 hanggang P50 parking fees ng senior citizens na inyong ililibre, malaking kabawasan ba ‘yan sa inyong kayamanan?

Ilan lang naman sa mga nakatatanda natin ang may sasakyan na makalilibre ng parking fees sa mga mall sa Metro Manila?

May LGUs na nagbibigay ng monthly allowances sa kanilang senior citizens, pero paalala natin na hindi ‘yan pera ng local chief executives o mayor. Galing din ‘yan sa buwis ng taumbayan, bilang pasasalamat natin ‘yan sa mga naiambag nila sa ating komunidad.

May nakarating din sa PUNA na may shopping mall sa Quezon City na hindi ‘senior citizens friendly’ dahil sa sobrang higpit ng kanilang mga guwardiya na pinagbabawalang tumambay o gumala ang mga nakatatanda sa kanilang lugar.

May mga pagkakataon pang ipinahuhuli sa mga pulis ang ilang senior citizen na nakatambay sa nabanggit na mall.

Sa 113.7 million population sa buong bansa, 10.98 million ang senior citizens na may edad 60-anyos pataas, na nakatumbas ng 9.6 porsyento ng nasabing buong populasyon.

Maigsing panahon na lang ang kanilang nalalabi sa mundong ibabaw, ‘wag na natin sila pagkaitan ng tamang pagtrato at paggalang.

Kung ako lang ang masusunod, ayaw kong mawala ang aking mga magulang, mahirap mawalan ng mga magulang dahil sila ang nagbibigkis ng pamilya.

Ituring natin ang lahat ng senior citizens bilang mga magulang natin, at panatilihin ang ating pagmamahal sa kanila. Ang kakaunting benepisyo para sa kanila ay ‘wag nating ipagkait.

Nananawagan ang PUNA kina Quezon City Mayor Joy Belmonte at Senior Citizens Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na aksyunan ang reklamo at hinaing ng mga nakatatanda.

Naniniwala tayo na hindi kukunsintihin ni Mayor Joy Belmonte ang hindi patas na pagtrato ng mga establisyemento sa senior citizens na dumarayo sa Quezon City.

Sa halip na pagkaitan ng benepisyo ang mga nakatatanda ay palawakin pa natin ito para sa kanila.

May mga nagsasabi na ang Makati City ang isa sa mga siyudad sa Metro Manila na ‘senior citizens friendly’, maganda at maayos ang mga benepisyo nila sa mga nakatatanda.

Sana ganun din ang gawin ng ibang local government units sa buong bansa. Kung hindi n’yo kaya ang pagbibigay ng mga benepisyo tulad ng ginagawa ng Makati City, ay alayan n’yo na lang ng pagmamahal at respeto ang mga nakatatanda habang kasama pa natin sila sa mundong ibabaw na ating ginagalawan.

Ang mga benepisyo sa senior citizens ay hindi lamang limitado sa lugar kung saan siya residente, dapat kahit saan siya magpunta ay awtomatikong ibibigay ang anomang benepisyo na nararapat sa kanila.

Ang mapagmahal sa magulang, tumatagal ang buhay.

oOo

Para sa reaksyon at suhestiyon mag-email sa operarioj45@gmail.com.

35

Related posts

Leave a Comment