PATAY ang hinihinalang drug suspect matapos atakihin umano sa puso habang tinatakasan ang mga otoridad sa Taguig City.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Spokesperson Hazel Asilo, nagsasagawa ng anti-criminality patrol ang mga pulis nang maaktuhan ang limang indibidwal na umano’y nag-aabutan ng ilegal na droga.
Agad na naaresto ang apat na suspek, habang tumakas ang isa patungong M.L. Quezon Street sa Barangay New Lower Bicutan.
Nagtago umano ang suspek sa madilim na bahagi ng lugar at kalaunan ay tumalon sa pader upang makaiwas sa mga humahabol na pulis. Dito umano ito inatake sa puso.
Isinugod pa sa ospital ang suspek ngunit idineklarang dead on arrival. Ayon sa pulisya, cardiac arrest ang tinukoy na sanhi ng pagkamatay.
Samantala, nakumpiska mula sa mga suspek ang tinatayang apat na gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P27,200.
Nahaharap ang apat na naarestong suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(TOTO NABAJA)
96 