QUEZON – Isa ang patay habang apat ang sugatan makaraang araruhin ng isang pick-up ang waiting shed sa Bondoc Peninsula Highway sa Brgy. Mabini Ilaya, sa bayan ng Macalelon sa lalawigan noong Miyerkoles ng tanghali, Hunyo 11.
Kinilala ang nasawing biktima sa pangalang “Marife”, 54, tindera, at residente ng Brgy. Lawigue, Tayabas City, agad binawian ng buhay sa pinangyarihan ng insidente.
Kabilang naman sa mga sugatan sina alyas “Carl”, 16; Eloisa, 84; at Divina, 58, agad isinugod sa Gumaca Hospital para lapatan ng lunas.
Ayon sa imbestigasyon, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver na si “Delfin”, 50, habang binabaybay ang kurbadang bahagi ng kalsada patungong Lucena City, habang minamaneho ang Nissan Navara, naging dahilan ng pagbangga nito sa waiting shed kung saan nakatayo ang mga biktima bandang alas-12:45 ng tanghali.
Pagkaraan ay nahulog ang pick-up sa malalim na bahagi sa gilid ng highway.
Agad nagresponde ang mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente at kasalukuyan pang iniimbestigahan ang pangyayari.
Nilalapatan din ng lunas sa Gumaca Hospital ang driver ng pick-up na nagkaroon ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
(NILOU DEL CARMEN)
