Ni ANN ENCARNACION
TUMAPOS na pang-apat lang si Filipino pole vaulter at Olympics qualifier EJ Obiena sa Bauhaus-Galan Wanda Diamond League Meeting sa Stockholm, Sweden Linggo ng gabi.
Ang naturang kompetisyon ay masasabing preview ng Tokyo Games kung saan makakalaban ng 25-anyos na Pinoy ang pinaka-magagaling na pole vaulters sa mundo.
Isa sa mga ito ang world record holder na si Armand Duplantis ng host Sweden, na pinatunayang siya pa rin ang ‘athlete to beat’ sa sports nang lundagin ang gold medal. Tumalon siya ng 6.02 metro, na bagong meet record.
Pumangalawa sa kanya si Sam Kendricks ng USA (5.92m), at pangatlo si Renaud Lavillenie ng France (5.92m).
Tumapos na pang-apat si Obiena na nagtala ng 5.82m, mas mababa sa bago niyang Philippine at Southeast Asian outdoor record na 5.87m.
Ito ang unang pagkakataon sa nakalipas na buwan na hindi nakapagwagi ng medalya sa sinalihang torneo ang pambato ng Pilipinas sa Tokyo Olympics, na gaganapin sa Hulyo 23-Agosto 8.
124
