Wala nang dahilan para lumabag sa IATF policy MAHIHIRAP BINIGYAN NG WASHABLE FACE MASKS

WALA nang dahilan ang mga pasaway na lantarang lumalabag sa ‘No Face Mask” policy ng Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) at

National Task Force Against COVID-19 ngayong sinimulan na ang pamimigay ng milyun-milyong washable face mask.

Ito ang pahayag ni Joint Task Force COVID Shield commander P/Lt Gen. Guillermo Eleazar nang saksihan nito ang pamimigay ng may 84,000 libreng face mask sa mahihirap na taga San Juan City.

Ayon kay Gen. Eleazar, sa programa ng gobyernong mass distribution ng libreng face mask ay masisira na ang alibi ng matitigas ang ulo at mga pasaway na wala silang kakayahang makabili at makatugon sa ipinatutupad na minimum health safety standard protocol laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pahayag pa ni Police Lt. Gen. Eleazar, habang marami sa mga Filipino ang sumusunod sa quarantine rules, may mga tao pa rin na sumusuway at kung ano-anong dahilan ang sinasabi para bigyang katwiran ang kanilang kakulitan.

Nitong Huwebes, pinangunahan nina PLt. Gen. Eleazar ang pamamahagi ng 84,000 reusable face masks San Juan City sa ilalim ng Libreng Masks Para sa Masa Program ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasama sina Police Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, PNP Deputy Chief for Operations at pinuno ng PNP Administrative  Support for COVID-19 Task Force (ASCOTF).

Kamakailan, inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno na pinaghahandaan na nila ang pamamahagi ng may isang milyon reusable face mask para sa mga maralitang taga lungsod na pinasadya niya sa mga kababaihan na walang hanapbuhay.

Magugunitang inatasan ni President Rodrigo Roa Duterte ang DSWD at iba pang government agencies na magsama-sama sa pamamahagi ng libreng face mask sa mahihirap.

“Tayo ay nagpapasalamat sa ating pamahalaan sa pangunguna ng Pangulong Duterte na lahat ay ginagawa para mabigyan ng kagamitan ang ating mga kababayan,” ayon pa kay PLt. Gen. Eleazar.

“On the part of the Philippine National Police (PNP), kami ay natutuwa na merong ganito para wala nang reason ang aming mga huhulihin na wala silang pambili ng face mask. Hayan na at binibigay na sa kanila,” dagdag pa nito.

Nabatid na base sa JTF COVID Shield data, umaabot na sa 450,529 pasaway ang nabigyang babala, pinagmulta at inaresto dahil sa paglabag sa quarantine rules partikular sa hindi pagsusuot ng face mask mula March 17 to October 7 sa buong bansa.

“Tama ang mga survey na marami naman talagang sumusunod pero meron iilan-ilan na hindi makasunod at sinasabi ng iba, wala daw silang face mask kaya wala nang dahilan dahil andiyan na ang face masks,”ani PLt. Gen. Eleazar. (JESSE KABEL)

112

Related posts

Leave a Comment