INIULAT ni Department of Health Officer-In-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire na wala pang bagong kaso ng monkeypox virus sa bansa kasabay ng pahayag na posibleng sa 2023 pa magkaroon ang bansa ng bakuna kontra sa nasabing sakit.
“To date, there has been no new case of monkeypox in the country,” ayon sa DOH.
Sinabi ni Vergeire na ang 10-close contacts ng una at nag-iisa pa lamang na kaso ng monkeypox, ay kasalukuyang nasa quarantine pa rin at nananatiling walang mga sintomas.
Matatandaan na kinumpirma ng DOH noong Hulyo 29 na may isang kaso na ng monkeypox sa bansa, na ngayon ay ganap nang magaling at nakikihalubilo na rin sa ibang tao.
Ayon pa sa DOH, naihahawa ang monkeypox sa pamamagitan ng ‘close contact’ kabilang ang sekswal na aktibidad. Maaari rin itong maipasa sa pamamagitan ng direktang kontak sa taong mayroon nito o paghawak sa mga bagay na nahawakan o sa damit na suot ng pasyente.
Mayroon nang 16,000 kaso ng monkeypox ang nairekord sa 75 bansa sa mundo ngayong taon, ayon sa World Health Organization (WHO). (RENE CRISOSTOMO)
