MULI na namang nabalot ng kontrobersya ang buong pambansang pulisya dahil sa pamamaril ng isa nilang kasama sa isang mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Viral ngayon ang video ng ginawang pamamaril ni PSMS Jonel Nuezca y Montales, 46-anyos, residente ng Purok 2, Brgy. Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac, at nakatalaga sa Paranaque City Police Crime Laboratory sa walang kalaban-laban na mag-ina.
Kitang-kitang sa video na kahit may mga nakaharap na tao ay walang habas na pinagbabaril ni Nuezca ang mga biktimang sina Sonya Gregorio y Rufino, 52-anyos, may-asawa at anak nitong si Frank Anthony Gregorio y Rufino, 25-anyos, binata, na residente rin sa lugar.
Ang ginawang pagpatay ni Nuezca sa mga biktima ay nagpapakita na wala sa kanyang isipan na isa siyang awtoridad.
Ang ganitong ugali ay hindi dapat bigyan ng puwang na maging miyembro ng PNP dahil wala siyang respeto sa buhay ng tao na bigay ng Panginoon.
Hindi sinunod ni Nuezca ang slogan ng PNP na ‘serve and protect. Ipinakita niyang isa siyang pulis na ‘trigger happy’.
Sinira rin niya ang programa ng PNP na reassignment ng mga pulis patungo sa kani-kanilang mga lugar.
Karamihan kasi ng mga pulis ngayon ay nakatalagang malayo sa kani-kanilang mga pamilya.
Kaya nais ng pamunuan ng PNP na ang kanilang mga miyembro ay maitalaga sa kani-kanilang mga sariling lugar upang malapit sa kanilang pamilya.
Pero kung ganito naman ang kanilang gagawin sa kanilang mga kapitbahay ay hindi ito gugustuhin ng taumbayan.
Marami nang natatanggap na reklamo ang PUNA tungkol sa mga abusadong miyembro ng PNP mula sa kanilang mga kapitbahay.
Imbes na sila ang magbibigay proteksyon ay sila pa mismo ang nangaabuso.
Ang ipinakitang karahasang ginawa ni Nuezca sa mag-inang Rufino ay nakasisira sa imahe ng buong PNP.
Maselan din ang pwesto kung saan siya nakatalaga. Bilang taga Crime Laboratory ng PNP, sila ang nag-iimbestiga sa mga pinatay na tao. Pero ngayon mukhang siya na ang iimbestihan ng kanyang mga kasama.
Kung ganitong klaseng ugali ng mga awtoridad ang nakatalaga sa sarili nilang lugar, papaanong magtitiwala sa kanila ang taumbayan?
Kahit ano pang pagsisikap ng pamunuan ng PNP kung ganitong may lumilihis pa rin at gumagawa ng ikasisira nila ay mahirap maibalik ang tiwala sa kanila.
Sa pinakahuling ulat na nakalap ng PUNA, inihayag ni PMaj. Fernando Hernandez, Jr., chief of Police ng Rosales, Pangasinan na sumuko na si Nuezca dala ang kanyang Beretta 9mm na may serial number M178132.
Ang baril na ito raw ang ginamit ni Nuezca sa pamamaril sa mag-inang Rufino.
Marami nang natatanggap na reklamo ang PUNA na may mga pulis na abusado sa kanilang lugar. Hindi lang makapagreklamo ang kanilang mga kapitbahay dahil takot na balikan sila.
Kaya dapat mismo ang pamunuan na ng PNP ang mag-monitor sa sarili nilang mga miyembro na nang-aabuso sa kanilang mga kapitbahay. Yan ay kung gusto nyong maibalik ang tiwala sa inyo (PNP) ng taumbayan.
Unti-unti na sanang bumabalik ang tiwala ng taumbayan sa inyo, subalit muli na naman itong nabahiran ng isa nyong miyembrong walang pagmamahal sa kanyang trabaho at kapwa Pilipino.
Sa sarili niya pang lugar mismo gumawa ng malagim na pagpatay itong Nuezca na patuloy na umaani ngayon ng batikos at galit mula sa taumbayan.Tsk! Tsk! Tsk!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
