WALANG HABAS NA PAGSUSPINDE SA RECRUITMENT AGENCIES (Nagdudulot ng matinding dagok sa negosyo at ­pagkasira ng imahe ng Pilipinas sa ibang bansa)

Ni ATTY. DAVID CASTILLON

MATINDING dagok para sa recruitment agencies ang naidulot ng mga bagong patakaran na ipinatutupad ng Welfare and Foreign Employment Branch ng Department of Migrant Workers (DMW). Sa sobrang higpit at hindi makatarungang regulasyon, ang mga may-ari ng ahensya ay nagrereklamo sa walang habas na pagsususpinde ng operasyon kahit pa labag na ito sa karapatan ng isang negosyante at hindi na napapaloob sa memorandum circulars na dati nang sinusunod ng industriya. Malayo ito sa mga regulasyon at patakaran na ipinatutupad ng POEA noong pinamumunuan pa ito ni Administrator Bernard P. Olalia na kasalukuyang Undersecretary ng DMW – Licensing and Adjudication.

Ang Memorandum Circular 14 Series of 2018 ay isa sa mga napakahalagang mandato na ­nilagdaan ni USEC Bernard P. Olalia upang tugunan ang ­problema at hinaing ng recruitment agencies. Ito ay ­napakalaking tulong sa industriya sapagkat pinapayagan nito ang isang ahensiya na makapagpatuloy sa pagpapadala ng mga OFW kahit mayroong problema ang isang nagrereklamong manggagawa at hindi pa napapauwi.

Ayon sa circular na ito, ang ahensya ay maaaring humingi ng extension o dagdag na panahon para mapauwi ang isang distressed OFW dahil sangkot ito sa isang kaso, tumakas sa employer, may sakit o dinala sa ospital upang magpagamot. Sa loob ng limang taon simula pa noong 2018 ay hindi nagkaroon ng problema ang pagpapatupad nito. Subalit nitong mga nakaraang buwan ay napuno ito ng kontrobersya. Ayon sa kasalukuyang tagapagpatupad nito, hindi na maaaring mabigyan ng konsiderasyon ang isang ahensya kapag lumipas na ang labinlimang araw mula nang matanggap ng ahensya ang notice to repatriate. Dahil dito, ang mga may-ari ng recruitment agencies ay nakararanas ng madilim na yugto sa kanilang negosyo.

Ang regulasyon na ito ay malinaw na isang paglabag sa ating konstitusyon dahil kinikitil nito ang karapatan ng mga may-ari ng negosyo at wala na sa konsepto ng batas na dapat ipatupad.

Malaking perwisyo rin ang naidudulot nito sa mga principal o employer sa ibang bansa na wala namang kasalanan o kinalaman sa problema. Ang mga nilagdaan na kontrata ay nalalabag dahil sa pagkaantala ng mga deployment. Ang ganitong patakaran ay ikinagagalit ng malalaking kompanya sa ibang bansa at nakasisira sa imahe ng Pilipinas.

Malaki ang pasasalamat ng industriya sa mga regulasyon na inilabas ni USEC Bernard P. Olalia sapagkat ito ay nakabase sa totoong sitwasyon. Pinapayagan ang extension dahil imposibleng mapauwi agad ang isang distressed worker kapag ito may kaso, tumakas sa employer, may sakit o nasa ospital. Nauunawaan ng dating tagapagpatupad na ang ating POLO ay hindi agad nakapagbibigay ng mga dokumento na kailangan sapagkat ang insidente ay dapat pang tiyakin. Maraming pagkakataon na ang isang OFW ay nakakasuhan, tumatakas, nagkakasakit o dinadala sa ospital bago pa ang takdang araw ng kanyang paglipad, kaya ito ay lumalagpas sa labinlimang araw mula nang matanggap ng ahensya ang notice to repatriate. Hindi makatao ang bagong patakaran na ipinatutupad at taliwas ito sa kaalaman ng industriya sa loob ng limang taon simula nang ito ay malinaw at maayos na ipinatupad. Nakasisiguro ang industriya na ito ay hindi mandato ng butihing kalihim sapagkat hindi naman ito galit sa mga ahensya na hindi nagpapabaya sa kanilang tungkulin. Ito ay isang sangay lamang ng departamento na maaari niyang busisiin para sa kapakanan ng ating OFW at industriya.

Kung kayo ay may mga katanungan na kailangan ng kasagutang legal, sumulat lamang sa “AKSYON NI CASTILLON” sa email address – castillon.lawoffice@gmail.com

257

Related posts

Leave a Comment