WALANG ILAG SA ICC

ABALANG-abala na marahil ang mga abogado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa napipintong asuntong nakasampa sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng kanyang administrasyon.

Dangan naman kasi, nanindigan ang ICC na hindi dahilan ang pagtiwalag ng Pilipinas sa Rome Statute para malusutan ni Duterte o sino mang opisyal ng pamahaalan ang ­paghahain ng arrest warrant sa mga kasong saklaw ng nasabing husgado – kabilang ang crimes against humanity na inihain ng mga pamilyang naulila ng hindi bababa sa 6,000 kataong sangkot diumano sa kalakaran ng droga.

Hayagang sinabi ni ICC spokesperson Fadi El Abdallah na may mandato at legal na basehan ang ICC na maglabas ng warrant of arrest sa kahit sinong pinuno ng bansa basta’t may sapat silang basehan.

Katwiran ni Abdallah, naganap ang krimeng ipinaratang kay Duterte noong mga panahong bahagi pa ang Pilipinas ng Rome Statute, batay na rin aniya sa Article 27 ng kalatas ng aklat na pirmado ng Pilipinas.

Sa ilalim ng Rome Statute na lumikha ng ICC, nakasaad na obligasyon ng ICC ang mag-imbestiga at lumitis sa mga mabibigat na paratang na inaakalang matinding dagok sa sangkatauhan – tulad ng crime against humanity na inihain laban kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang naglunsad ng madugong giyera kontra droga nang maupo sa pwesto taong 2016.

Kamakailan, kinatigan ng ICC’s pre-trial chamber ang pagbubukas ng isang “full-scale investigation” kaugnay ng madugong giyera kontra droga sa Pilipinas kung saan hindi bababa sa 6,000 katao ang pinaslang matapos umanong manlaban sa mga operatiba.

Sa puntong ito, may mga katanungang namumuo sa isipan ng mga Pilipino. Paano sasalagin o iiwasan ng Pangulo ang asunto? At sakaling mahatulan, makukulong pa ba ang Pangulo sa edad niya ngayon?

Malinaw ang posisyon ng ICC. Pero may kalatas din sa pagpipiit sa matatandang tao. Paano babalansehin ang karapatan ng nakatatanda at ang hustisyang inaasam ng mga naulila?

Mukhang lulusot ang Pangulo pero ‘di ang mga mas batang kasapakat nito – tulad ni Bato.

200

Related posts

Leave a Comment