MISTULANG mambobola lang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes dahil wala siyang maibibidang maganda.
Ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, imbes na bumaba ang presyo ng mga bilihin partikular na ang pagkain ay nagtaasan pa ang mga ito at halos hindi na kayang bilhin ng mga tao dahil sa kakarampot na suweldo.
“Walang dapat ipagmalaki ang Presidente sa darating na State of the Nation Address gayong halos lahat ng bilihin at batayang serbisyo ay tumataas sa ilalim ng kanyang panunungkulan,” pahayag ni Brosas.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos ikumpara ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa presyo ng mga bilihin noong June 2022 at June 2023 kung saan lahat ng uri ng pagkain ay tumaas ang halaga sa unang taon ni Marcos bilang Pangulo.
Base sa datos ng PSA, ang well-milled rice na P43 ang kada kilo noong June 2022 ay hindi na bumaba ang presyo samantalang ang mga gulay tulad ng pechay ay naging P94 ang kada kilo noong Hunyo 2023 mula sa P75 noong nakaraang taon.
Ang patatas aniya na P77 kada kilo ang halaga noong June 2022 ay naging P102 nitong Hunyo, ang sibuyas na P93 ang presyo noong June 2022 ay P171 na samantalang ang tilapia na P130 lamang noong nakaraang taon ay P141 na ngayon.
Mumo lamang aniya ang ibinigay na umento ng gobyernong Marcos-Duterte sa sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila na kulang pa aniya kapag nagtaas na ng singil sa pamasahe ang Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT). (BERNARD TAGUINOD)
231