SA kabila ng mga panggigipit, mananatiling BUKAS ang tanggapan ni CONGRESSMAN FIDEL NOGRALES upang maghatid ng direktang serbisyo sa INYO.
Ito ang nilalaman ng OPISYAL na ABISO na sagot ng kampo ni Rizal District IV Rep. Juan Fidel Felipe Nograles sa pag-padlock ng gate ng R & R Wet and Dry Market, sa Greenview, Barangay San Isidro sa Montalban, Rizal, na kung saan matatagpuan ang District Office ng kongresista.
Nauna rito, noong Pebrero 28, 2025 nasa humigit-kumulang sa dalawampung katao (20) mula sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Montalban ang nagsadya sa ikalawang palapag upang ipasara ang nasabing establisimento.
Pinamunuan ang operasyon ni Montalban BPLO chief Jeso Amo Mallari at nakasama niya sina Ralph Lavren Reyes, Girlie Calar, Giovanni Perez at iba pang hindi nakuha ang mga pangalan.
Base sa nakasulat sa tarpaulin na inilagay ng BPLO-Montalban sa gate ng nasabing gusali, nakasaad: “This establishment, R&R Building, is ordered closed for operating without the requisite mayor’s permit for commercial space leasing, bayan ng Montalban, Lalawigan ng Rizal.”
Narito naman ang kabuuang sagot ng kampo ni Cong. Nograles: “OPISYAL na ABISO, sa kabila ng mga panggigipit, mananatiling BUKAS ANG TANGGAPAN NI CONG. FIDEL NOGRALES upang maghatid ng direktang serbisyo sa inyo. Walang makapipigil sa matapat na paglilingkod! Anuman ang hamon, patuloy naming ipaglalaban ang inyong kapakanan. Kapit lang! Lalaban tayo! WALANG MAKAPIPIGIL SA SERBISYONG MATAPAT!
Sa panayam ng SAKSI NGAYON sa mga Montalbeño, anila, obyus na pamumulitika ang ginagawa ng BPLO-Montalban sa ginawang pag-padlock ng gate ng R & R Wet and Dry Market na kung saan matatagpuan sa ikalawang palapag nito ang District Office ni Cong. Fidel Nograles.
Ayon pa sa mga saksi sa pangyayari, si Montalban mayor Ronnie Evangelista ay kaalyado ni dating mayor Tom Hernandez, na tumatakbo ngayon bilang katunggaling kongresista ni Nograles sa ika-4 na distrito ng Rizal.
Matatandaan noong 2022 National and Local Elections (NLE), si Evangelista ay dating kakampi ni Nograles subalit biglang nag-iba ang ihip ng hangin ngayong 2025 Midterm Elections na ang dati niyang mahigpit na kalaban ay kaalyado na ngayon (Hernandez).
Sinabi pa ng mga residente ng Montalban, hindi naman si Nograles ang kanilang piniperwisyo sa kanilang tangkang pagpapasara sa District Office ni Cong. Nograles kundi ang mga nakikinabang o humihingi ng tulong mula sa incumbent congressman.
Banggit pa nila na kapag sa munisipyo naman sila humihingi ng tulong sasabihin sa kanila na tatawagan na lang, subalit hindi naman ito nangyayari hanggang sa magsawa sila paghihintay dahil wala namang dumarating na tulong kahit i-follow up nila.
Dagdap pa nila na samantalang kay Cong. Nograles ay agad silang aabisuhan kung kailan nila makukuha ang kanilang kailangan o hinihinging tulong.
“Ngayon dahil nagbibigay si Cong. Fidel ng tulong, gusto n’yong ipatigil, inggit ba kayo? Hindi kayo makatitikim ng aming boto! Mula sa araw na ito tandaan n’yo, hindi namin makakalimutan iyang ginawa n’yo, hanggang eleksyon,” hinanakit ng isang ginang.
Binigyang-diin pa nila na walang ibang katulad na politiko si Nograles sa Montalban na mula sa mga senior citizen, kabataan, maliliit na negosyante at mag-aaral ay kanyang tinutulungan.
“Gamot, pangangailangan ng mga bata, pagbibigay ng kabuhayan o puhunan sa mga maliliit na mga negosyante, scholarship para sa mga mag-aaral at iba pang ayuda ang aming natatanggap sa tulong ni Cong. Nograles,” dagdag pa ng mga residente.
“Ngayon, dahil nakikita nilang maraming natutulungan si Cong. Fidel, gusto nilang ipasara ang kanyang opisina. Mas lalo namin siyang ipaglalaban, susuportahan at ipangangalandakan na suportado namin siya,” pahayag pa ng grupo ng matatanda ng Montalban.
“Ipinasara man ng Mayor ang ating tanggapan, mananatiling bukas ang ating puso para sa kapos-palad na senior citizens na lubos na nangangailangan ng tulong pinansyal at tulong medikal. Patuloy lang po tayong makikipaglaban sa kabila ng hirap na ating pinagdadaanan sa panahon ng kagipitan,” matatag namang pahayag ni Cong. Nograles.
Ayon pa kay Nograles, “bagamat maraming pagsubok, magkapit-bisig lang po tayo at magtiwala sa taas na malalampasan din po natin ito. Sisikapin po natin na gawin ang lahat ng makakaya sa bawat sitwasyon.”
Napag-alaman na nakatatlong lipat na ng district office si Cong. Nograles dahil sa lahat ng kanyang inuupahang gusali ay sinisilipan ng butas para mabigyan ng notice of violation at kalaunan ay ipasasara ito.
Hindi rin pinagagamit ng covered court ang DoLE-TUPAD payout na pinangungunahan ni Cong. Nograles na ginaganap sa ibat-ibang barangay ng Montalban kaya napipilitan na lamang na mag-renta ng pribadong lugar ang kampo ni Nograles para lamang maisakatuparan ang “Serbisyong Walang Kapares ni Nograles.” (JOEL O. AMONGO)
