BINIGYAN ng go signal ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga medical school na tumanggap ng mga estudyante kahit hindi pa nakakakuha ng National Medical Admission Test (NMAT).
Ayon kay CHED Chairman Prospero De Vera III, ang desisyon ng en banc ng komisyon ay tugon na rin sa mga apela na payagang maipursige ang medical education kahit walang NMAT.
Hindi rin kasi natuloy ang NMAT ngayong Marso dahil sa pandemya na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID- 19).
Gayunman, nilinaw ng CHED na iiral lamang ang desisyong ito para sa school year 2020-2021 at kailangan pa ring matugunan ang regular admission requirements ng mga medical school.
Sa huling datos ng Center for Educational Measurement, aabot sa 9,000 ang registered applicants para sa NMAT na itinuturing na prerequisite o standardized test para masala ang mga aplikanteng nais na pumasok sa medical schools sa bansa.
Sa ngayon ay mayruong 56 higher education institutions (HEIs) sa bansa ang awtorisadong mag-alok ng Doctor of Medicine program. (JEFF TUMBADO)
