WALANG TAKAS, KAHIT RETIRADO

ILANG araw bago pa tuluyang magretiro, nagpakawala ng mga mapangahas na salita si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon, sukdulang malagay sa kompromiso ang integridad ng halalan sa Mayo.

Aniya, diskwalipikado si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos na tumatakbong Pangulo sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) sa Comelec 1st Division na kinabibilangan nito. Ang siste, wala namang maipakitang dokumentong pirmado.

Nakalulungkot isiping isang magaling na abogadong tulad ni Guanzon ay ilalagay sa kahihiyan ang tanggapang kinabibilangan niya mismo. Bakit nga kaya? Dahil ba sa walang mawawala sa kanya dahil siya’y nakatakda nang magretiro?

Isa lang ang malinaw – labag sa batas at reglamentong inayunan ng Korte Suprema ang ginawang pahayag ni Guanzon kaugnay ng isang umano’y desisyon dapat sana’y ang komisyon ang maglalabas at hindi ang isang tulad ni Guanzon.

Ayon kay Atty. Romulo Macalintal na kilalang beteranong election lawyer, dapat kastiguhin si Guanzon sa iresponsableng pahayag na nagdulot ng gulo sa komisyon bukod pa sa kalituhang kalakip sa nalalapit na eleksyon. Dagdag pa niya, taliwas ang ginawa ni Guanzon na nagligwak ng mga sensitibong kaganapan ng isang kasong walang kalakip na desisyon.

Sususpindihin ba? Hindi na posible ‘yan ayon kay Macalintal dahil ilang araw na lang, retirado na ang bulilyasong opisyal.

Ani Macalintal, sapat na aniya ang ­iresponsableng pahayag ni Guanzon para matanggalan ng lisensya sa pagiging ­abogado, bukod pa sa patung-patong na kasong ­maaaring ihain laban sa nasabing opisyal.

Dapat lang panagutin ang sino mang opisyal kahit pa retirado. Hindi angkop na palusot ang pagiging retirado para makaiwas sa kasong kalakip ng isang indulto.

427

Related posts

Leave a Comment