WANTED SA LA UNION, TIMBOG SA KYUSI

MULA sa La Union, naaresto ng mga tauhan ng Manila Police District ang isang 44-anyos na lalaking 5 taon nang wanted sa kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act, sa pinagtataguan nito sa Quezon City, iniulat ng pulisya.

Kinilala ni P/Lt. Col. Evangeline Cayaban, commander ng MPD-Station 5, ang suspek na si Reynaldo Sordilla y Moden, residente ng Jose Caba, La Union.

Batay sa ulat ni Lt. Veronica Apresurado ng Warrant and Subpoena Section ng MPD-Station 5, bandang alas-12:10 ng hapon noong Linggo, nang isilbi ang warrant of arrest sa suspek sa #16 Mindoro St., Luzviminda Village, Quezon City ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ni Cayaban, at mga tauhan ni P/Ssgt. Michael Diaz ng La Union Provincial Police (PRO 1).

Ayon sa rekord ng korte, limang taon nang nagtatago ang suspek makaraang magpalabas ng arrest warrant si Judge Ferdinand Fe ng Regional Trial Court, Branch 67 sa Bauang, La Union, dahil sa kasong  paglabag sa Section 5 ng RA 9262.

Si Sordilla ay no. 4 most wanted person sa kanilang lalawigan habang no.12 most wanted person sa MPD-Station 5.

Inirekomenda ng korte ang P80,000 pyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Si Sordilla ay nakatakdang dalhin sa Jose Caba, La Union upang doon harapin ang kanyang kaso. (RENE CRISOSTOMO)

156

Related posts

Leave a Comment