WAR ON DRUGS NI DUTERTE APRUB SA PINOY

MAAALALA si outgoing President Rodrigo Duterte sa kanyang war on drugs na kanyang legasiya kahit ilang dekada pa ang lilipas sa kasaysayan ng ating mahal na bayan.

Ang giyerang ito ang nagpanatili sa kanyang popularidad dahil niyakap at aprubado ito ng sambayanang Filipino dahil tumahimik kahit papaano ang ating bansa sa kriminalidad.

Bago naging Pangulo si Digong, maraming nagkalat na kriminal sa kalsada na karamihan ay bangag sa ilegal na droga at walang takot na gumawa ng krimen at ang mga biktima ay karaniwang tao.

Nawala ang snatching, holdap, bihira ang rape case. Nabawasan ang homicide case na karaniwang kagagawan ng mga drug addict na basta na lamang nananaksak kapag lango sa ilegal na droga.

Ang mga urban poor sa Metro Manila ay tumahimik dahil wala na ‘yung mga tambay sa mga eskinita na kinatatakutan ng mga tao na pumapasyal sa kanilang mga kaanak sa squatter areas.

Walang sinasanto ang mga drug addict noon pero biglang tumahimik ang bansa nang ­maging pangulo si Digong dahil ang mga napapatay sa war on drugs ay mga drug addict na wala nang takot sa kanilang katawan.

Dahil din sa war on drugs, ‘yung ibang kriminal na nalilinya sa ibang krimen ay tumahimik na rin dahil alam nila na maging sila ay target ng lalong pina-­igting na giyera laban sa kriminalidad.

May mga kagawad din ng pambansang pulisya ay ­naitumba dahil sa hinalang sangkot ang mga ito sa ilegal na droga na lalong ikinatuwa ng mga tao kaya naging popular sa kanila ang giyerang ito.

Marami lang kontrobersya sa war on drugs dahil maraming pulis ang umabuso sa kanilang kapangyarihan dahil maging ang mga inosenteng tao tulad ni Kian delos Santos ay nadamay kahit walang kinalaman sa ilegal na droga.

May mga napatay na pinagsuspetsahan lang at pinalabas na nanlaban dahil gusto yatang magkaroon ng accomplishment ang ilang tiwaling miyembro ng pambansang pulisya.
Marami rin ang nagtanim ng ebidensya na kalaunan ay ibinasura ng korte ang kaso ng mga biktima ng tiwaling pulis kaya marami ang pumalag. Ibig sabihin ang mga tiwaling pulis ang sumira sa war on drugs.

Bigo rin ang mga otoridad na makahuli ng big time drug lords na maiiksi ang pangalan kaya nadungisan ang war on drugs. Sinasabi ng mga tao, ang giyerang ito ay para lang sa mga mahihirap pero ang mayayaman hindi ginagalaw.

Alam ng mga Pinoy na Chinese nationals ang mga drug lord sa ating bansa pero walang big time na nahuli at naparusahan. Kung meron mang mga Chinese nationals na nahuli at napatay, errand boys lang ng mga tunay na drug lords.

Ngayon, nag-aalala ang mga tao na baka pagbaba ni Digong ay open na naman ang ilegal na droga sa ating bansa lalo na’t nasa paligid lang ang Chinese drug lords.
Pero kumpiyansa ako na ang susunod ng administrasyon ni BBM ay itutuloy ang war on drugs para mapanatili ang peace and order sa ating bansa.

406

Related posts

Leave a Comment