TINIYAK ni Giannis Antetokounmpo ang panalo ng Milwaukee laban sa bisitang Golden State Warriors sa pagbabalik ng Bucks coach na si Mike Budenholzer mula sa NBA’s COVID-19 protocols kahapon (Manila time).
Kumamada si Antetokounmpo ng triple-double 30 points, 12 rebounds at 11 assists para pangunahan ang Milwaukee sa paglampaso sa GSW, 118-99.
Ito ang third triple-double niya ngayong season at 28th sa kanyang career.
Absent ng apat na laro si Budenholzer dahil sa safety protocols, kaya si assistant Darvin Ham ang naging acting head coach ng Bucks, na 1-3 habang wala ang una.
Nagdagdag si Khris Middleton ng 23 points, si Bobby Portis ay may 20 at si Grayson Allen ay nag-ambag ng 15 points sa ika-apat na talo ng Warriors sa limang laro.
Simula pa lang ay naging agresibo na ang Milwaukee, na higit doble ang naging lamang sa GSW, 77-38, sa halftime.
Kulang lang ito ng two points sa largest halftime lead sa franchise history ng Bucks, na may 77-36 sa half sa 123-92 win kontra Orlando noong Nobyembre 22.
“I think there was a good focus from us tonight,” sabi ni Budenholzer. “I think when it starts on the defensive end, usually that’s when we’re at our best. A team like the Warriors, a player like (Stephen) Curry and (Klay) Thompson, they bring out the best in you. They bring out the highest focus.”
Aminado naman si Curry na hindi maganda ang inilaro ng Warriors.
“We just got off to a terrible start where everything went wrong on both ends of the floor,” aniya.
Hindi naglaro para sa Warriors si Draymond Green dahil sa left calf tightness. Wala rin siya nang matalo ang team laban sa Memphis noong Martes, at sa panalo ng GSW kontra Cleveland noong Linggo.
Missing naman para sa Bucks si Jrue Holiday. Ika-apat na game na siyang wala dahil sa sore left ankle.
NETS DUROG
SA THUNDER
KULANG lang ng isang assist para sa triple-double si Shai Gilgeous-Alexander, nagtala ng 33 points, 10 rebounds at nine assists upang pangunahan ang Oklahoma City Thunder sa pagdurog sa Brooklyn Nets, 130-109, sa New York.
Nag-ambag si Lu Dort ng 27 points, habang si rookie guard Josh Giddey ay may 19 points para sa unang panalo ng Thunder ngayong 2022 at tuldukan ang five-game losing streak.
Ipinahinga ng Brooklyn si NBA scoring leader Kevin Durant, habang wala rin si part time player Kyrie Irving dahil bawal sa New York City ang mga walang bakuna laban sa COVID.
Kaya mag-isa lang ang bahagi ng Nets Big 3 na si James Harden, na hindi naging sapat ang iniskor na 26 points, nine assists at seven rebounds upang iahon ang Nets, gaya nang magwagi ito laban sa East-leading Bulls, 138-112, noong Miyerkoles sa Chicago.
Si Cam Thomas, isa sa rookie reserves ay nagdagdag ng 21 points para Brooklyn, bumagsak sa 11-11 at home.
Pang-apat na games ito ng Nets sa loob ng limang araw, na nagsimula sa home victory noong Linggo kontra San Antonio na sinundan ng talo sa Portland.
Dahil dito, naging first team ang Nets na naglaro sa Eastern at Pacific time zones sa consecutive days, simula nang mangyari ito sa Detroit noong 1973.
Samantala sa iba pang mga laro: Nanaig ang Memphis Grizzlies kontra Minnesota Timberwolves 116-108; wagi ang New Orlean Pelicans sa LA Clippers 113-89; at panalo ang Denver Nuggets laban sa Portland T’Blazers 140-108.
154 