PERSONAL na binisita kamakailan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III si City of Malolos Mayor Atty. Christian Natividad upang makipag-ugnayan sa kanilang mga makabuluhang programang makatutulong sa bansa.
Nabatid na nais alamin ni Gen. Torre ang ginagawang pamamaraan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pagtugon sa problema sa basura kung saan ginagawa itong renewable energy.
“May isa sa pinakamagandang flagship program si Mayor Natividad sa Malolos, itong waste to energy, tinitingnan namin kung papaano ba itong basura ay nagiging energy pa at hindi nagiging problema,” wika ni Torre.
Aniya, instead na nagiging problema ay nagagawa ng Lungsod ng Malolos na kapakipakinabang ang basurang nakokolekta na maaari umanong kopyahin ng Metro Manila.
Matatandaan, naglunsad ang pamahalaang Lungsod ng Malolos ng Waste to Energy (WTE) program na kauna-unahan sa Bulacan at maging sa buong bansa, ito ay tugon ng nasabing pamahalaang lungsod sa problema sa basura sa siyudad.
Samantala, ibinahagi naman ni Torre kay Natividad ang programang ipinatutupad ng MMDA, ang mabilis ng pagtugon ng naturang tanggapan sa mga problema sa mga pangunahing kalsada sa kanilang nasasakupan.
Ito ay ang Dial 136 at 555 na nagbibigay ng fast response sa mga tawag mula sa mga problema o sitwasyon sa kalsada sa loob lamang ng limang minuto.
Ito naman ang nais ni Natividad na ipatupad sa lungsod para agarang maresolba ang mga nagiging obstruction sa kalsadahan, kung saan magkakaroon ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng pamahalaang lungsod at ng MMDA.
Ang MOA ay upang mai-share ng MMDA ang template sa Dial 136 sa Lungsod ng Malolos upang mas mapabilis ang trabaho ng gobyerno para maihatid ang mga serbisyo sa mga tao.
(ELOISA SILVERIO)
149 