At Your Service Ni Ka Francis
ISA na namang malungkot na yugto ang bumalot sa bansa matapos ang magkahiwalay na insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan na nagdulot ng pagkasawi ng mga kabataang dapat sana’y abala lamang sa pag-aaral at pangangarap.
Sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte, tatlong estudyante ang nasawi at pito ang nasugatan matapos ang isang pamamaril noong umaga ng Hunyo 22. Samantala, isang Grade 9 student naman ang nasawi matapos saksakin sa loob mismo ng Las Piñas National High School. Ang mga pangyayaring ito ay muling nagbukas ng usapin kung tunay nga bang ligtas pa ang ating mga paaralan.
Sa loob ng maraming taon, ang paaralan ay kinikilala bilang pangalawang tahanan ng mga bata. Dito sila hinuhubog hindi lamang sa akademikong kaalaman kundi maging sa wastong asal, disiplina, at pagpapahalaga sa buhay. Ngunit sa halip na maging lugar ng pagkatuto at pag-unlad, tila nagiging lugar na rin ito ng takot at pangamba dahil sa tumitinding insidente ng karahasan.
Hindi maikakaila ang matinding pag-aalala ng mga magulang. Tuwing ihahatid nila ang kanilang mga anak sa paaralan, inaasahan nilang ligtas ang mga ito hanggang sa makauwi. Ngunit sa sunod-sunod na mga insidente, unti-unting nawawala ang kanilang kapanatagan. Ang tanong ng marami ay kung paano nakapapasok ang mga armas o matutulis na bagay sa paaralan at bakit tila hindi ito agad natutugunan ng umiiral na seguridad?
Hindi sapat na sisihin lamang ang mismong salarin. Kailangang suriin din ang kabuuang sistema ng seguridad sa mga paaralan. May sapat bang bilang ng security personnel? Mahigpit ba ang inspeksiyon sa mga pumapasok? May gumaganang CCTV ba sa lahat ng kritikal na bahagi ng campus? Ang mga tanong na ito ay nararapat lamang na masagot ng mga kinauukulang ahensya.
Mahalaga ring tingnan ang kalagayan ng mental health ng mga kabataan. Maraming kabataan ang nakararanas ng depresyon, matinding stress, bullying, at iba’t ibang emosyonal na suliranin na kung minsan ay hindi napapansin ng kanilang pamilya, mga guro, at maging ng kanilang mga kaklase. Hindi ito nangangahulugang ang lahat ng may pinagdaraanan ay magiging marahas, ngunit ipinakikita nito ang kahalagahan ng maagap na suporta at tamang paggabay.
Hindi rin maaaring isantabi ang papel ng social media at internet. Ang mabilis na pagkalat ng mararahas na nilalaman at negatibong impluwensya ay maaaring makaapekto sa pag-iisip ng ilang kabataan, lalo na kung wala silang sapat na gabay mula sa matatanda. Kinakailangan ang mas malawak na digital literacy at responsableng paggamit ng teknolohiya upang hindi ito maging kasangkapan sa pagpapalaganap ng karahasan.
Malaki rin ang responsibilidad ng Department of Education, mga lokal na pamahalaan, at mga administrador ng paaralan sa pagpapatibay ng seguridad. Dapat pag-aralan kung kinakailangan nang magpatupad ng mas mahigpit na inspeksiyon sa mga pumapasok, regular na emergency drills, conflict management programs, at mas maraming guidance counselors na maaaring lapitan ng mga estudyanteng may suliranin.
Kasabay nito, mahalaga rin ang pakikiisa ng mga magulang. Hindi natatapos ang tungkulin sa paghahatid at pagsundo sa mga anak. Kailangang magkaroon ng bukas na komunikasyon sa loob ng tahanan upang agad mapansin kung may pagbabago sa asal, emosyon, o kilos ng kanilang mga anak. Ang matibay na ugnayan ng pamilya ay isa sa pinakamabisang panangga laban sa maraming suliraning kinahaharap ng kabataan.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa magkahiwalay na insidenteng ito, nararapat na pairalin ang due process at iwasan ang pagkalat ng hindi beripikadong impormasyon. Ang pinakamahalaga sa ngayon ay matukoy ang buong katotohanan, mapanagot ang mga responsable alinsunod sa batas, at makabuo ng mga konkretong hakbang upang hindi na maulit ang ganitong mga trahedya.
Ang bawat batang pumapasok sa paaralan ay may dalang pangarap para sa kanyang sarili, pamilya, at kinabukasan. Hindi dapat mauwi sa trahedya ang kanilang pagpasok sa silid-aralan. Ang paaralan ay dapat manatiling lugar ng pagkatuto, paghubog ng mabuting pagkatao, at ligtas na kinabukasan. Ang pagprotekta sa buhay ng bawat mag-aaral ay pananagutan ng buong lipunan, at ang bawat hakbang tungo sa mas ligtas na mga paaralan ay isang pamumuhunang hindi dapat ipagpaliban.
oOo
Congratulations! Sa dalawang magigiting na mga pulis na sina PCMS Engracio D. Balungaya, promoted to PCMS, at PMSG Rogie S. Conge, promoted to PMSG, pawang nakatalaga sa Sub-Station 7, Valenzuela City Police.
Binabati naman natin ng Happy Birthday si PLT. Michael B. Dela Cruz ng Sub-Station 7, Valenzuela City Police. God Bless You Always Sir!
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
69 