(NI DAHLIA S. ANIN)
MAGSISIMULA na ngayong Oktubre 24, alas-10 ng gabi ang rotational water interruption na maaring umabot ng hanggang 18-oras, ayon sa Maynilad at Manila Water.
Sa tala ng Pagasa, muling bumaba sa 186.23 meters ang tubig sa Angat mula sa 186.46 noong Martes.
Hindi pa masabi ng pamunuan ng mga water concessionaire kung hanggang kailan ang titiisin ng publiko dahil nakadepende sa antas ng dam ang sitwasyon.
Ayon kay Maynilad Media Relations Assistant Manager Grace Laxa sa panayam sa radyo, mananatili pa rin sa 40 cubic meters ang water allocation sa mga water concessionaire dahil sa patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa dam.
Nakaiskedyul naman sa gabi ang water interruption ng Manila Water, upang magkaroon umano ng sapat na oras ang kanilang mga consumers na mag-ipon ng tubig, ayon kay Corporate Communications Head Jeric Sevilla.
Nanawagan sila sa mga consumer na mag-ipon ng tubig na sasapat lamang sa kanilang pangangailangan sa maghapon.
Para naman sa oras ng water interruption ay maaari nila itong makita sa official website ng mga kumpanya o maaari silang tumawag sa hotline 1627.
Inaasahang magdadala ng ulan ang Hanging Amihan sa Silangang bahagi ng bansa pagpasok ng Nobyembre, na makakatulong upang mapataas ang antas ng tubig sa Angat.
