TULUYAN nang gagawing regular ng Maynilad ang pagpuputol ng supply ng tubig sa Valenzuela City tuwing alas-10:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga.
Mula Marso 10 hanggang Marso 16 ay walang tutulong tubig sa mga gripo sa sumusunod na mga barangay sa lungsod nasabing mga oras: Arkong Bato, Balangkas, Bisig, Coloong, Dalandanan, Gen. T. De Leon, Isla, Karuhatan, Mabolo, Malanday, Malinta, Marulas, Maysan, Palasan, Parada, Pariancillo Villa, Pasolo, Poblacion, Polo, Rincon, Tagalag, Viente Reales at Wawang Polo.
Ito ay dahil pupunuin ng Maynila ang mga reservoir nito na mabilis na bumaba ang supply dahil na rin sa malaking pangangailangan sa tubig.
Unang pinutol ang supply ng tubig sa nasabing mga barangay noong gabi ng Marso 9 hanggang umaga ng Marso 10.
Kaugnay nito, magsasagawa rin ng daily water service interruption ang Maynilad sa buong Malabon City simula Marso 10 hanggang 16, 2022 tuwing ika-10 ng gabi hanggang ika-6 ng umaga dahil sa mababang lebel ng tubig sa mga dam.
Patuloy na pinaaalalahanan ang mamamayan na maging masinop sa paggamit at ugaliing mag-ipon ng tubig para maging handa sa ano mang emergency water service interruption. (ALAIN AJERO)
