WHISTLEBLOWER SA MISSING 34 SABUNGERO ILALAGAY SA WPP

PINAG-AARALAN ng Philippine National Police at Department of Justice ang panibagong twist sa kaso ng 34 nawawalang sabungero sa paglutang ng isang alyas “Totoy”.

Kasalukuyang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP at DOJ para sa paglilitis sa mga suspek na idinadawit sa pagkawala mga mga sabungero.

Habang bukas naman ang DOJ na busisiin ang mga isiniwalat ng sinasabing whistleblower sa kaso ng nawawalang mga sabungero, bilang tugon sa lumabas na ulat na patay na ang mga ito at inilibing sa Taal lake.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, nais niyang makausap si alyas “Totoy,” na isa sa mga akusado sa kaso ng mga sabungero na apat na taon nang nawawala.”I-validate natin. Pag-aaralan natin ‘yung sinasabi niya kasi may hawak naman kaming ibang testigo eh,”

Gusto ng kalihim na ma-validate ang mga salaysay ni alyas “Totoy” at alamin din kung ang sinasabi ng ibang testigo ay kapareho sa mga nakarating sa kanyang tanggapan.

Kaugnay din ito sa isinasagawang pag-aaral ng kagawaran na mailagay si Totoy sa Witness Protection Program bunsod ng posibleng panganib sa kanyang buhay at maging sa kanyang pamilya dahil sa kanyang mga isiniwalat na posibleng tumukoy sa tunay na mastermind.

Una nang ibinunyag ni alyas “Totoy” na patay na umano ang nawawalang mga sabungero, at inilibing sa Taal Lake ang 34 na sabungero na natukoy na apat na taon nang nawawala, ayon sa statement ng isang suspek.

Sa isang panayam sinabi ni alyas “Totoy” na pinatay ang mga biktima sa pamamagitan ng pagsakal gamit ang wire. Nilinaw niya na lahat ng mga sabungero ay nahuling nandaya umano sa laro.

Dahil sa banta sa kanyang pamilya kaya raw siya nagdesisyong magsalita at nangakong ibubunyag ang tunay na utak ng pagpatay.

Nabanggit din niya na may mga drug lord na kasamang inilibing sa Taal Lake.

Ilan sa mga akusado ay nakalaya dahil sa piyansa habang ang iba naman ay kasalukuyang target ng manhunt operation.

(JESSE KABEL RUIZ)

15

Related posts

Leave a Comment