WITNESS SA BIÑAN DRUG OPS NAWAWALA?

ANG pagkawala ng isang testigo laban sa mga operatiba sa likod ng madugong anti-drug operation sa Biñan, Laguna ang dahilan umano kung bakit umatras ang pamilya ng isa sa dalawang biktima – kabilang ang 16-anyos na napadpad sa crime scene para lang magdala ng gamot sa isang kamag-anak na may karamdaman.

Inamin ng mismong pamilya ng 16-anyos na si Johndy Maglinte, tatlo umano ang dinakip ng mga operatiba nitong nakaraang Hunyo 16 sa Barangay Canlalay, subalit nakatakbo ang isa habang kinakaladkad na ng mga pulis palayo sa lugar kung saan sila dinampot at ginulpi.

Ayon kay Ginang Cristina Maglinte, ina ng menor de edad na biktima, una nang nagpahayag ng kahandaang lumutang at magsalita sa korte ang nasabing saksi.

Gayunpaman, minabuti muna aniya nitong magtago bunsod ng nakaambang panganib.

Salaysay pa ni Maglinte, kinuwento sa kanila ng nasabing saksi na unang kinaladkad ng mga operatiba si Antonio Dalit na target ng nasabing operasyon kontra droga, pagkatapos ay silang dalawa naman ang inilayo sa lugar na target ng pulisya.

“Dalawa po silang pinadapa, may isa pong nakatakas. Yun ang ano sana namin, siya ang tetestigo kaya lang po nagtatago na. Bibigyan naman po siya ng protection ni sir (PNP chief Gen. Guillermo) Eleazar para malutas itong kasong ito,” dagdag pa niya.

Aniya, naobliga ang mga pulis na tapusin ang buhay ng kanyang anak dahil saksi ito sa brutal na pamamaslang kay Dalit na siyang target ng operasyon – at hindi ang 16-anyos na si Johndy. Wala din aniyang baril ang kanyang anak at lalong hindi rin umano ito marunong humawak ng baril.

“Wala pong baril ‘yun, hindi po yun marunong maghawak ng baril. ‘Yun nga po ang kinagagalit ko, di naman po talaga totoong nakipagbarilan. Yung kasama niya may sakit, hindi nga makatayo paano makipagbarilan ‘yun? Kalokohan ang sinasabi,” giit na naulilang ina.

Sa ulat ng mga operatiba, nanlaban umano ang mga suspek kaya sila napilitang gumanti ng putok na humantong sa pagkamatay nina Dalit at ng 16-anyos na biktima. Wala rin sa ulat ng pulisya ang pangalan ng ikatlong dinakip sa operasyon.

Bukod sa nawawalang saksi, marami pa aniya ang nakasaksi bagamat ayaw tumestigo dahil sa takot na pati sila’y paslangin — “Ang sabi po nung mga mismong nasa lugar ng insidente, yung anak ko pinatayo nila tapos pinadapa, nagmamakaawa na ‘wag siyang patayin dahil may anak at may asawa. Pinatay pa rin,” hinagpis ng naulilang ina ni Johndy.

Sa kabila ng pagkawala ng isa sa dalawang testigo, nananatiling matatag naman ang pamilyang Maglinte sa kanilang hangad na mabigyan ng hustisya ang menor de edad na si Johndy. Ginarantiyahan naman ng pamunuan ng Philippine National Police ang kaligtasan ng isa pang testigo sa nasabing madugong operasyon – ang nobya ng pinaslang na si Johndy Maglinte.

Mayroon din umanong hawak na video ang pamilya ng pinaslang na menor de edad kung saan maririnig ang boses ng ilang tao gayundin ng mga biktima habang nagmamakaawang huwag silang patayin.

“Nasa bukid sila noon, pero may mga tao po. Malayo po, may video nga po yung ano. Kaya lang, boses lang po ang ano, nagsisigawan ang mga nagvi-video.”
Kahapon, nagpahayag umano ang pamilya ni Dalit na hindi na sila magsasampa ng reklamo laban sa mga tauhan ng Laguna Police.

Nito lamang Lunes, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabing hindi dapat pinapatay ng mga pulis ang sinomang arestado, lugmok at nagmamakaawa para sa kanilang buhay.

Sa isang talumpati sa harap ng mga dumalo sa paglulunsad ng pinalakas na Global Coalition of Lingkod Bayan Advocacy Support Groups and Force Multipliers, sinabi ng pangulo na maaari lamang gumamit ng baril ang mga operatiba kung magiging marahas ang mga pakay ng pag-aresto.

“You are not supposed to kill a person when he is down, crying, kneeling, begging for his life. That is the essence of the arrest. If he goes voluntarily with you, good. That would be the ideal arrest. But if they resist arrest violently, then you have every right also to do your thing, commensurate,” ani Duterte.

Kasalukuyang nagsasagawa ng bukod na imbestigasyon ang Commission on Human Rights hinggil sa madugong operasyon at sa sinasabing pagkawala ng testigo. (FERNAN ANGELES)

160

Related posts

Leave a Comment