WPS BLOC SA KAMARA BUBUUIN

MARIING kinondena sa Mababang Kapulungan ang pagbuntot ng dalawang Chinese Coast Guard (CCG) guard vessel sa bark ng Atin Ito Coalition na nagsagawa ng ‘Concert at Sea for Peace’ sa West Philippine Sea (WPS).

Kasabay nito, kinumpirma ni Akbayan party-list representative Perci Cendaña na bubuo sila ng tinatawag na West Philippine Sea Bloc sa Kamara sa 20th Congress na naglalayong paigtingin pa ang pagtatanggol sa karapatan ng bansa sa nasabing karagatan.

Ayon sa kay Cendaña, nangyari ang pagbuntot ng Chinese Coast Guard na may body number na CCG 3306 at CCG 21549 nitong Lunes, alas-8:00 ng umaga habang patungo ang barko ng koalisyon sa Pag-asa Island.

“Anong kinakatakot ng Tsina sa isang peace concert? At bakit nasa loob sila ng ating exclusive economic zone? Matapos nating imbitahan ang China through their embassy sa ‘Ating Sea Peace Concert’ at hindi sila tumugon ngayon nag-aasta silang gatecrasher sa ating EEZ,” pinunto ng mambabatas.

Ikinabahala din nito na nagsimula ang pagbuntot ng dalawang CCG vessel sa loob ng 54 nautical miles mula sa dalampasigan ng El Nido, Palawan kung saan ang CCG 3306 ay 3 nautical miles lamang ang layo ng mga ito sa Atin Ito vessel habang nasa distansyang 5 nautical miles naman ang CCG 21549.

“This is a blatant act of bullying against Filipino civilians and artists asserting our sovereign rights through peaceful means. That this shadowing happened so near El Nido is unacceptable,” idiniin nito.

Inorganisa ang ‘Concert in the Sea for Peace’ bilang simbolo umano ng pagkakaisa at lakas loob ng mga Pilipino sa gitna ng paghahasik ng panghaharass ng China sa WPS na teritoryo ng Pilipinas.

“While China wields coercion, we respond with music and solidarity. While they sow fear, we sing for freedom. The West Philippine Sea belongs to the Filipino people—not to a foreign bully,” wika pa ni Cendaña.

Samantala, ilan sa magiging misyon umano ng WPS bloc sa Kamara ay isulong ang panukalang batas na gawing mandatory ang pagtuturo sa WPS para labanan ang disinformation na ikinakalat ng China at ideklara ang July 12 bilang WPS Victory Day dahil noong July 12, 2016 ay inilabas ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ang kanilang desisyon na pag-aari ng Pilipinas ang WPS na inaangkin ng China.

(BERNARD TAGUINOD)

359

Related posts

Leave a Comment