YELLOW-PINK ‘WASAK’ KAY TRILLANES

HINDI lang vloggers na supporters ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang nag-aaway-away kundi maging ang grupo ng tinaguriang “dilawan at pinkalawan” na konektado sa grupo ni dating vice president at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo.

Ito ang lumalabas matapos palagan ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima ang rebelasyon ni dating senator Antonio “Sonny” Trillanes IV na kung nahalal na pangulo si Robredo ay hindi nito isusuko sa International Criminal Court (ICC) si Duterte.

“I have always believed that principled disagreements can strengthen movements—if they are rooted in truth and guided by respect. But when public accusations are based on conjecture, and when they target allies instead of adversaries, the damage falls not only on individual reputations but on the greater cause we all claim to serve,” ani De Lima.

“Naaalala ko pa, noong nasa Bicol kami ni VP/Mayor Leni, ilang araw lang nakalipas ng pagkaaresto kay Duterte, sa harap ng media, sinabi niya na ito ang “unang hakbang tungo sa pananagutan at hustisya,” ayon sa mambabatas.

Nilinaw ni De Lima na malaki ang respeto niya kay Trillanes at itinuturing niya itong kaibigan at co-warrior laban sa aniya’y pang-aabuso at kademonyohan ng dating Pangulo at idinagdag na “Kaya masakit makita na may mga pahayag na, sa halip na magpalakas ng hanay, ay maaari pang magdulot ng pagkakahiwalay ng loob ng mga dati’t kasalukuyang magkakampi sa prinsipyo’t adhikain”.

“Nakakalungkot, dahil kung sino pa ang mga kasama natin sa laban, sila pa ang pinagbubuntunan ng duda at pag-aakusa. Hindi ito ang panahon para maghinala. Hindi ito ang oras para magbangayan,” ayon pa kay De Lima.

Si Trillanes, kilalang numero-unong kritiko ni Duterte ay nabigong makabalik sa pulitika noong nakaraang eleksyon matapos matalo sa kanyang mayoralty bid sa Caloocan City.

Nagtagumpay naman ang marami sa kanyang kaalyado na makabalik sa pulitika tulad nina Sens. Francis “Kiko” Pangilinan at Bam Aquino, De Lima, Robredo at iba pa.

(BERNARD TAGUINOD)

172

Related posts

Leave a Comment