ZERO COVID POSITIVE NAITALA SA MAYNILA, NAVOTAS

IBINIDA ni Manila Mayor Francisco ” Isko Moreno” Domagoso na sa kauna-unahang pagkakataon simula nang magbigay ng libreng RT-PCR testing o swab testing noong isang taon, ang lungsod ay nakapagtala ng ‘zero positive’ case sa loob ng isang araw at ito ay noong May 29, 2021.

Ayon sa alkalde, ito ay base sa ulat na ipinadala sa kanya ni Dr. Grace Padilla, director ng Sta. Ana Hospital na siyang nagsisilbi bilang pangunahing ospital pagdating sa mga kaso ng COVID-19.

Ang nasabing report ay naglalaman ng daily count ng samples ng specimen na natanggap at naproseso sa nasabing araw at ang cumulative count nang magsimula ang operasyon noong Oktubre 4, 2020.

Ayon kay Padilla, ang RT-PCR daily count ng COVID tests na ginawa noong May 29, 2021 sa Sta. Ana Hospital ay nagrehistro ng ‘zero’ positive case, na nagpapakita na ang mabilis na vaccination program ng lungsod ang dahilan.

Samantala, inihayag ng pamahalaang lungsod ng Navotas na walang naitalang karagdagang kaso ng COVID-19 sa Navotas City nitong Lunes matapos ang tatlong buwang pagsusumikap na putulin ang hawaan sa mga komunidad.

Bukod dito, mataas ang recovery rate sa lungsod at hanggang Mayo 30 ay 95.7 % ng kabuuang 10,353 kaso sa lungsod ay nagsigaling na, matapos na ituring na “high-risk area” ang siyudad noong Pebrero.

Ani Mayor Toby Tiangco, ito ay dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa ng lungsod na may kaugnayan sa COVID-19, at mga patakaran, kabilang ang quarantine band system, mandatory swabbing ng nahuhuling lumalabag sa safety protocols at community quarantine guidelines, at paghihigpit sa regulated socio-economic activities. (RENE CRISOSTOMO/ALAIN AJERO)

290

Related posts

Leave a Comment