UWIAN NA NG MGA OFW, GOBYERNO HANDA NA BA?

MARAMING overseas Filipino workers (OFW) sa bansang Kuwait ang nababahala sa lumabas na balita ukol sa planong pagbabawas ng bilang ng mga dayuhang manggagawa sa naturang bansa.

Ayon sa balitang lumabas sa Arab Times, i­napbrubahan na ng Kuwait Parliament ­Legislative Committee ang matagal ng mungkahi na bawasan ang bilang ng mga ex­patriate o dayuhang manggagawa sa layuning maging balanse ang populasyon nito sa mga Kuwaitis.

Ayon sa statistics noong 2017, ang Kuwait ay may populasyon na umaabot sa 4.7 milyon. At base sa mungkahing i­naprubahan ng komite, hindi dapat tumaas sa mahigit 10 porsiyento ng populasyon ng Kuwaitis ang bilang ng naroroong mga Filipino.

Sa kasalukuyang bilang ng OFW sa Kuwait na tinatayang halos 250,000, ay binabangit na halos 83,000 OFW lamang ang pwedeng manatili sa naturang bansa.

Marami ang labis na nabahala sa balitang ito ngunit sa aking palagay ay malayong mangyari ito sa madaling panahon. Ang bansang Kuwait ay bago pa lamang nagsisimulang patakbuhin ang kanilang ekonomiya na hindi nakatali sa pagbebenta ng langis.

Kung kanilang paaalisin ang malaking bilang ng mga dayuhan, hindi ­malayong magsara ang maraming establisimyento at malamang na mabakante ang mga paupahan na umaasa sa mga dayuhan.

Samantala, ganito rin halos ang takbo ng pangyayari sa bansang Saudi Arabia na kung saan ay pinasisimulan na nila ang tinawag na Saudization. Katunayan ay ­marami ng mga Saudia ang ­nagtatrabaho na ngayon sa mga malls at iba pang pribadong mga opisina na dating hindi naman ­tinatangap ng mga Saudia.

Ang tanong ngayon ng maraming mga OFW ay kung handa na ba talaga ang ating gobyerno sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas?

Bagama’t maraming ahensya ng gobyerno katulad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Overseas Workers Welfare Administration(OWWA), Department of Trade and Industry (DTI), Philippine Economic Zone Authority (PEZA) at Department of Agriculture (DA) ang nagbibigay na ngayon ng mga training at reintegration program, ngunit tila ito ay kulang na kulang sa sangkap lalo na ang ayudang pinansyal.

Gayunpaman, marahil ay panahon na rin na ang ating mga OFW ay magsimula ng maghanda para sa kanilang pag-uwi. Ito ang panahon na dapat maging ang kanilang mga pamilya ay nagsisimula na rin na paghandaan ang pagbabalik ng kanilang mga kapamilyang OFW.

Gayundin, dapat na samantalahin din ng ibat-ibang LGU’s ang mga pagkakataon na magamit ng mga OFW ang kanilang mga natutunan o kasa­nayan sa ibang bansa para lalong mapaunlad ang kani-kanilang mga probinsiya o munisipalidad.

Read More

MALASAKIT NG GOBYERNO DAPAT IPARAMDAM SA VAWC VICTIMS

ANG mga kaso ng karahasan laban sa mga kababaihan at mga bata ay patuloy na tumataas sa bansa sa gitna ng patuloy na pagpapairal ng quarantine.

Kaya nais nating hikayatin ang gobyerno na maging mas visible at iparamdam naman ang malasakit para sa mga biktima.

Ayon sa ulat, ang mga kaso ng VAWC sa bansa ay tumaas sa 4,260 noong nakaraang Hunyo 11 mula sa 3,699 na naitala na mga kaso noong Hunyo 4.

Nauunawaan natin na unti-unti nang nasasaid ang ating mga pondo, ngunit ang gobyerno ay may isang sagradong tungkulin para protektahan ang mga mamamayan nito.

Ang pagsisikap ng bansa na labanan ang pagkalat ng coronavirus ay nangangahulugan na ang mga sentro ng panga­ngalagang pangkalusugan ay bahagya nang manipis o nagkukulang ang mga nagpapatupad ng batas at pinagsama pa sa mga paghihigpit sa paggalaw, kaya humahantong sa mga pagkaantala sa pagtugon sa mga biktima.

Nais lang nating ­ipaalala ang panawagan ng United Nations ­Development Programme para sa mga pamahalaan na isama ang proteksyon ng mga kababaihan at mga bata laban sa karahasan sa mga plano at budget ng COVID-19.

Iminungkahi rin ng UNDP sa mga gobyerno at mga non-government organizations na bumuo ng isang gabay na ibabahagi sa social media kung paano maiuulat ng mga biktima ang mga kaso ng karahasan at pag-access sa mga serbisyo sa gitna ng pandemya.

Maganda ring tularan ang ginawa ng ibang bansa na nakipag-ugnayan sa mga telecommunication companies para magtayo ng toll-free hotlines para sa mga biktima ng karahasan sa mga kababaihan at mga bata.

Ang ating tanggapan ay makikipag-ugnayan sa iba’t-ibang legal aid ­volunteer groups na tutulong sa pagbuo ng mga mekanismo para sa suporta ng biktima, kabilang ang tulong sa pamamagitan at paglilitis.

Napakahirap ng dinaranas ng mga VAWC victims natin sa panahon ng pandemya. Dahil na rin sa quarantine, na­daragdagan ang hamon nila na takasan ang banta ng karahasan.

Ang pamahalaan ay dapat na magpakita ng pakikiramay sa pagkakataong ito. Ipakita natin na handa tayong tumugon sa mga biktima. Mayroon tayong mga enforcers sa kalye, kailangan lamang na muling i-calibrate ang mga ito nang malaman nila ang tamang response sa mga ganitong kaso.

Read More

5 kawani positive sa COVID-19 2-WEEK LOCKDOWN SA NAVOTAS BRGY HALL

NILAGDAAN ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang Executive Order No. TMT-036, series of 2020, nakasaad na isinailalim sa dalawang linggong lockdown ang North Bay Boulevard South (NBBS) Dagat-dagatan Barangay Hall at ang mga lugar na sakop ng 50-meter radius nito makaraang limang kawani ng barangay ang nagpositibo sa COVID-19.

Ayon sa nasabing order, nagsimula ang lockdown alas-5:01 ng umaga nitong Hulyo 5 at tatagal hanggang 11:59 ng gabi sa Hulyo 18.

“Tandaan po na dahil laganap na ang COVID-19, wala tayong kasiguruhan kung sino-sino na ang apektado nito.

Meron tayong mga pasyente na asymtomatic o walang sintomas. Dahil dito, posible na tayo mismo o ang ating mga kasama sa bahay o opisina ay maaaring may virus na rin. Kaya ‘wag pong maging kampante. Mag-ingat parati,” ani Mayor Tiangco.

Sarado muna ang NBBS Dagat-dagatan Barangay Hall at magtatalaga ang barangay ng satellite desk na tatauhan ng mga kawani na nag-negative sa COVID-19 testing.

Ang mga residente sa 50-meter radius ng barangay hall ay pinagbabawalan munang lumabas at ihahatid ng mga kawani ng barangay ang relief packs para sa kanilang pangunahing pangangailangan.

Hindi kasali sa lockdown ang mga residenteng frontliners o essential workers tulad ng mga nagtatrabaho sa Navotas Fish Port Complex. Exempted din ang mga may medical emergency.

Ang mga papasok sa trabaho ay dapat magdala ng ID o certificate of employment, at kailangang nakasuot ng face mask na natatakpan ang ilong at bibig, dumidistansya ng 1-2 metro mula sa mga kasama, umiwas makipagkumpulan at parating maghuhugas ng mga kamay. (ALAIN AJERO)

Read More

165 NAGPOSITIBO SA RAPID TEST SA 31 BRGY. SA MAYNILA

UMABOT sa 165 indibidwal ang nagpositibo sa COVID-19 sa isinagawang rapid test sa kabuuang 8,018 katao ng Manila Health Department (MHD) mula sa 31 barangay na isinailalim sa lockdown sa lungsod ng Maynila.

Ayon sa MHD, sa District 1 ay umabot sa 62 ang nagpositibo mula sa 3,719 na isinailalim sa rapid test; District 2, anim ang nagpositibo; sa District 3, 62; District 5, 28, at District 6, pito ang nagpositibo.

Gayunman, isasailalim sa swab test ang mga nagpositibo upang makumpirma kung talagang mayroon silang COVID-19 at saka sila ilalagay sa isolation facility.

Nabatid na ang lockdown ng 31 barangay ay natapos dakong 5:00 ng hapon.

Ayon kay Manila Police District director, P/Brigadier General Rolando Miranda, naging maayos ang ipinatupad na hard lockdown dahil sumusunod ang mga residente.

Una nang iniutos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno”Domagoso ang pagpasailalim ang lockdown sa 31 barangay sa Maynila upang bigyan-daan ang rapid test matapos na maiulat ang pagtaas ng COVID-19 cases sa lungsod. (RENE CRISOSTOMO)

Read More

22-ANYOS NI-RAPE SA INUMAN

rape200

NILASING saka ginahasa ng kanyang kainuman ang isang 22-anyos na babaeng may live-in partner, sa isang condominium unit sa Malate, Manila noong madaling araw ng Sabado.

Sa follow-up operation ng pulisya, nadakip ang suspek na kinilalang si Francis Martin, 34, may kinakasama, maintenance service crew sa Imperial Tower Condominium sa A. Mabini St., Malate at residente ng Blk. 56, Lot 9,

Mabuhay Homes, Phase 2- E, Brgy. Dila, Sta. Rosa, Laguna.

Batay sa ulat ni P/Cpl. Sarah May Medinilla na isinumite kay P/Lt. Col. Ariel Caramoan, station commander ng Manila Police District- Ermita Police Station 5, bandang alas-3:00 ng madaling araw nang gahasain ng suspek ang biktima sa fire exit ng nasabing condo sa Malate.

Bago ang insidente, nakipag-inuman ang biktima sa suspek kasama ang iba pa nilang kabarkada sa fire exit ng condo.

Dakong madaling araw ay nagpaalam na ang ibang mga kainuman ngunit habang pabalik na ang biktima sa kanyang unit nang haltakin umano ito ng suspek at ginahasa sa fire exit.

Pagkaraan ay nagsumbong ang biktima sa kanyang kinakasama na siyang sumama sa kanya para maghain ng reklamo sa Remedios Police Community Precinct ng Station 5.

Sa isinagawang follow-up operation nina P/Cpl. Michael Angelo Navea at Patrolman RJ jimenez, ay nadakip ang suspek sa nasabing condo. (RENE CRISOSTOMO)

Read More

LIDER NG DRUG GROUP LAGLAG SA BUY-BUST

ARESTADO ng mga operatiba ng Manila Police District ang umano’y lider ng drug group sa ikinasang buy-bust operation sa Tondo, Manila nitong Linggo ng umaga.

Agad pinosasan ang suspek na kinilalang si Alexander Morales y Cruz, 28, binata, lider ng AJ Morales Drug Group, trike driver, ng #1157 Sandico St., Tondo.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Magno Gallora Je, station commander ng Manila Police District-Moriones Police Station 2, bandang alas-7:30 ng umaga nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad sa panulukan ng Asuncion St. at Sandico St. sa Tondo na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Si Morales na itinuturing na high value target ng pulisya ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Nakumpiska mula sa suspek ang 45.5 gramo na tinatayang P309,400 ang street value.

Ayon kay P/ Capt. Loreto Tigno, hepe ng Station Drug Enforcement Team (MPD- SDET) ng Station 2, iniutos ni Lt. Col. Gallora ang pag-aresto kay Morales dahil sa pagiging matagal nang perwisyo sa lugar bunsod nang pagpapakalat ng ilegal na droga. (RENE CRISOSTOMO)

Read More

BABAENG BAON SA UTANG NAGBENTA NG SHABU, ARESTADO

TIMBOG ang 45-anyos na babae sa drug buy-bust operation dakong 1:05 ng hapon ngayong Linggo sa parking lot ng Sunshine Mall sa Bgy. Western Bicutan, Taguig City.

Sa ulat ng PDEA, nakipagkita ang suspek na si Saida Kadilon, residente ng Bgy. Maharlika ng nabanggit na lungsod sa agent poseur-buyer sa parking lot ng Sunshine Mall bandang ala una ng hapon at nagpalitan ng marked money at “item” .

Nang ibigay ng poseur buyer ang senyas, dinamba ng mga operatiba si Kadilon at nasamsam ang halagang P3.4 milyon ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit kumulang kalahating kilo at nakasilid sa paper bag isang fastfood.

Palusot ng suspek, hindi niya kakilala ang nagpabenta ng droga pero tinanggap niya ang “trabaho” upang makaahon sa pagkakabaon sa utang na 5-6 sa Bumbay.

Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Region 4-A, PDEA SES, PDEA NCR SDO at PDEA-BARMM sa pakikipagtulungan ng Taguig City Police. (DAVE MEDINA)

Read More

ANTI-TERROR LAW, KUKUWESTYUNIN SA KORTE SUPREMA

INIHAHANDA na ni Senador Kiko Pangilinan ang petisyong ihahain sa Korte Suprema laban sa Anti-Terrorism Law.

Naniniwala ang senador na may mga probisyon sa bagong batas ang kontra sa Konstitusyon kaya’t ipauubaya nila sa mga mahistrado ang pagpapasya sa ligalisasyon nito.

Tinukoy nito ang probisyon sa warrantless arrest at ang pagpi-freeze ng assets ng isang pinaghihinalaang terorista habang hindi pa nito napapatunayan na mali ang alegasyon.

Nangangamba si Pangilinan na sa pamamagitan ng bagong batas ay magpapatuloy ang pagbabato ng iba’t ibang alegasyon laban sa oposisyon tulad ng Red October at pagsasangkot sa kanila sa sedition case.

Nanindigan din ang senador na hindi kamay na bakal ang solusyon sa mga kasalukuyang problema ng bansa tulad ng droga, terorismo at maging ng COVID 19 pandemic.

Binigyang-diin ni Pangilinan na nakita na sa mga nakalipas na taon na hindi nasolusyunan ng ‘Oplan Tokhang’ ang problema sa droga dahil wala naman anyang mga drug lord ang nasakote at hindi rin naparusahan ang mga Customs officials na nagpalusot ng bulto-bultong shabu.

Hanggang ngayon anya ay wala pang nagaganap na rehabilitasyon sa Marawi City matapos isailalim sa Martial Law ang Mindanao.

Hindi rin anya nababawasan ang kaso ng COVID 19 kahit nagpatulad ng ilang buwang lockdown ang gobyerno.

Sinabi ng mambabatas na ilan lamang ito sa mga patunay na hindi solusyon ang kamay na bakal sa mga kinakaharap na problema ng Pilipinas kundi isang komprehensibong plano para sa kinabukasan. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

ATL PINABORAN NG MULTI-SECTORAL GROUP

MAGSISILBING proteksyon ng mga Pilipino at ng bansa laban sa mga terorista ang nilagdaang Anti-Terror Law ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang pahayag ng multi-sector group na Liga Independencia Pilipinas (LIPI) kaugnay ng pagiging ganap na batas ng Anti-Terror Bill.

Sinisiguro rin ni LIPI Secretary General Jose Antonio “Ka Pep” Goitia sa publiko na mayroong mga probisyon ang batas na mangangalaga laban sa mga paglabag sa karapatang pantao.

“Malinaw namang kinikilala ng batas ang Bill of Rights sa 1987 Constitution at may mekanismong nakalatag sa potensyal na paglabag ang Anti-Terrorism Council,” aniya.

“I can assure you, the ATB is a good law– one that is swift, effective and most importantly, constitutional,” dagdag niya.

Nagpasalamat din siya kay Pangulong Rodrigo Duterte sa paglagda sa batas sa kabila ng mga oposisyon dito ng ilang sektor.

“Ito ay isang batas na magpapalaya sa atin lahat sa banta ng lahat ng uri ng terorismo dito sa bansa. Ang mga humahadlang at ayaw rito ay nung una pa man balakid at kritiko na sa magagandang plano ng administrasyong Duterte para sa totoong pagbabago at ikabubuti ng lahat at hindi ng iilang sektor lamang ng lipunan,” ani Goitia.

Payo ni Goitia sa mga tumutuligsa sa batas: “Read the bill thoroughly so they can fully understand it because there are plenty of misconceptions and misinterpretations going around in several social media platforms.”

Ang Liga Independencia Pilipinas ay koalisyon na kinabibilangan ng 48 organisasyon mula sa iba’t ibang panig ng bansa. (CESAR BARQUILLA)

Read More